Simbahan, mag-iimbestiga sa kaso ng pagpatay na kinasasangkutan ng pari

Simbahan, mag-iimbestiga sa kaso ng pagpatay na kinasasangkutan ng pari

June 20, 2018 @ 1:14 PM 4 years ago


 

Camarines Sur – Labis na ikinababahala ng Simbahang Katoliko sa Camarines Sur ang pagkakasangkot ng isa nilang pari sa kaso ng pagpatay sa isang 28-anyos na babae sa kanilang lalawigan kamakailan, kaya’t nagpasyang magsagawa ng sariling imbestigasyon hinggil dito.

Kasabay nito, humihingi rin ang Archdiocese of Caceres, sa pamamagitan ng kanilang archdiocesan chancellor na si Fr. Darius Romualdo, ng panalangin at kahinahunan habang hindi pa lumilitaw ang katotohanan sa kaso.

“The archdiocese, at the moment, is conducting its own investigation and will take appropriate action in accordance with the Code of Canon Law,” pahayag ni Romualdo.  “At this time that we are searching for the truth, we ask for prayers and prudence.”

Tiniyak rin naman ni Romualdo na habang nagpapatuloy ang imbestigasyon nila sa kaso ng pagpatay kay Jeraldyn Rapinan ay makikipagtulungan rin sila sa imbestigasyon ng mga awtoridad.

“The archdiocese supports and will fully cooperate with the thorough investigation of the case by the proper authority,” pagtiyak pa ni Romualdo.

Nauna rito, ang bangkay ni Rapinan, na may mga saksak sa katawan at nakatali ang mga paa at kamay gamit ang isang nylon cord, ay natagpuan sa madamong bahagi ng Maharlika Highway sa Del Pilar, San Fernando sa Camarines Sur noong Hunyo 15. Isang pari naman ang itinuturong sangkot umano sa pagpatay.

Nagpaabot na rin naman si Romualdo ng panalangin at pakikiramay sa pamilya ng biktima.

Siniguro rin niya sa mga ito na suportado nila ang paghahanap ng hustisya at katotohanan ng pamilya Rapinan. (Macs Borja)