Simbahan, naalarma sa paglobo ng bilang ng nagpapatiwakal

Simbahan, naalarma sa paglobo ng bilang ng nagpapatiwakal

August 11, 2018 @ 12:24 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Ikinababahala ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagtaas ng bilang ng suicide cases o mga nagpapakamatay sa bansa, partikular na sa mga kabataan.

Kaugnay nito, hinimok ni Tagle ang mga magulang na bantayang mabuti ang mga anak laban sa ‘nakakalasong pagkain.’

Ipinaliwanag ng Kardinal na hindi lamang ito basta mga pampisikal na pagkain, kundi maging mga ‘pagkaing’ humuhubog sa kaisipan ng mga kabataan tulad ng social media, mga pelikula at mga video games.

Paalala pa ng Kardinal sa publiko, mahalagang mabantayan ang mga bagay na ‘kinakain’ ng isang indibidwal dahil nagiging bahagi ito ng sistemang bumubuo sa kanyang katauhan.

Iginiit ni Cardinal Tagle na bukod sa pagpili ng mga pagkaing masustansiya at makabubuti para sa tao ay kinakailangang bantayan din ang mga pagkaing nakalalason sa katawan, isip, at katauhan.

Aniya, labis na nakaaalarma ang pagtaas ng bilang ng mga nagpapakamatay, at higit pang nakababahala na karamihan sa mga ito ay mga kabataan.

“Nakakaalarma baka mayroon silang mga nakakain, ano kaya ‘yang nakakain, pinakakain ng social media, pinapakain ng kung anong pelikula, kahit mga video games na pumapasok na sa sistema nila. Hindi lang ‘yong pagpatay sa kapwa e, pati na sarili puwede nang patayin,” ani Tagle, nang mag-homiliya sa pinangunahang banal na misa, kasabay ng pagbabasbas sa bagong Oratoryo ng San Carlos Seminary Pre-College Department, kamakailan.

Hinimok pa nito ang mga magulang, at mga kabataan, maging ang mga seminarista na tulungan ang kasalukuyang henerasyon na pumili ng nararapat na pagkain.

Umaasa ang Kardinal na buo ang magiging pagtanggap at pagkain ng bawat tao kay Hesus na siyang bukal ng buhay na walang hanggan at pumupuno sa pagkagutom ng pananampalataya ng mga tao.

Paalala ni Kardinal Tagle, huwag iluwa, huwag isantabi, at papasukin ng buo si Hesus sa ating buhay at sistema.

“Kasama ‘yan sa mga misyon natin, kayo na may mga barkada, may mga kaibigan, kayong nag-a-apostolate tingnan rin ninyo ‘yon. At tulungan natin ang ating mga generation na pumili kung ano ang dapat kakainin at sana si Hesus ay huwag iluwa, huwag isantabi kundi talagang tanggapin sa ating buhay,” aniya pa.

Batay sa tala ng World Health Organization (WHO) na umaabot sa 800,000 tao ang nagpapakamatay kada taon na halos katumbas ng 40 tao sa bawat segundo, kabilang ang mga nasa edad 15 hanggang 29. (Macs Borja)