Simbahan umapela ng tulong sa apektado ng bagyo

Simbahan umapela ng tulong sa apektado ng bagyo

July 23, 2018 @ 6:57 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Nanawagan ngayon ng tulong at panalangin ang mga Diyosesis na naaapektuhan ng masamang panahon partikular na sa Luzon Region.

Ayon kay Rev. Fr. Estephen Espinosa, Social Action Director ng Archdiocese of Lingayen-Dagupan, ilang mga munisipalidad sa Pangasinan ang lubog ngayon sa baha dahil sa ilang araw na pag-ulan.

Sinabi ni Fr. Espinoza na nag-ikot na ang mga kinatawan ng Simbahang Katolika sa mga evacuation center at kasalukuyan na rin nagsasagawa ng pagkilos ang Arkidiyosesis para makatulong sa mga apektadong pamilya

Kaugnay nito, kumikilos na din ang Diocese ng Tarlac partikular na ang tanggapan ng Caritas Tarlac para makatugon sa pangangailangan ng mga apektadong residente.

Ayon kay Fr. Randy Salunga, taga-pamahala ng Caritas Tarlac, bukas ang kanilang tanggapan para sa ano mang tulong at donasyon para sa ating mga kababayan lalo na’t aminado sila na malaking bilang ng mga pamilya ang naapektuhan sa kanilang lalawigan.

Kaugnay nito kasalukuyan na din nagsasagawa ng pagtulong ang Archdiocese of San Fernando sa lalawigan ng Pampanga sa mga apektadong munisipalidad ng Macebebe, Masantol, Candaba at Sasmuan habang inaasahan din ang relief operation sa Guagua at Apalit.

Tiniyak naman ng Caritas Manila at Quiapo Church ang pagsasagawa ng pagtulong sa mga apektadong Diyosesis.

Magugunitang sa kasalukuyan ay nararanasan ang epekto ng Bagyong Josie sa Pilipinas kasabay ng patuloy na epekto ng Habagat.

Ito na ang ikatlong bagyo na pumasok sa bansa sa nakalipas na ilang linggo matapos dumaan ang bagyong Henry at Bagyong Inday. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)