Simpleng disiplina

Simpleng disiplina

July 11, 2018 @ 11:49 PM 4 years ago


Patuloy na nagiging kontrobersyal ang pagpapatupad ng Phi­lip­pine National Police ng “Oplan Tambay” na nakatuon sa mga ordinansa ng mga local government unit.

Ilang grupo ng human rights ang tutol sa paghuli ng mga a­la­gad ng batas sa mga nadaraanan nilang walang pakialam sa kanilang paglabag sa ordinansa tulad ng pag-iinom sa kalye, pag­lalakad ng walang pang-itaas na damit, paninigarilyo sa kung saan-saan at iba pang katulad ng mga ito.

Sa pananaw ng marami, lalo na ng mga taong nasa tamang pag-iisip, tama ang pagpapatupad ng “Oplan Tambay” ‘pagkat i­sang paraan ito upang mabawasan ang krimen sa lansangan.

Tama lang na ipatupad ang paghuli sa mga lumalabag sa simpleng batas o ordinansa dahil posible itong maging daan u­pang maibalik ang simpleng disiplina sa mga tao.

Magandang ipatupad muna ang mga batas trapiko ‘pagkat masasabing simple lang naman pero kumplikado ang perwi­syong idinudulot nito kung nilalabag.

Halimbawa ang mga tsuper ng mga pampaseherong  jeep at taxi na hindi nagbababa ng mga pasahero sa tamang lugar, mga driver ng pribadong sasakyan na basta na lang nagpa-park sa kung saan-saan at nakahaharang sa daan at mga pedestrian na walang habas na tumawid sa hindi tamang tawiran.

Maganda ang ginagawa ng Metro Manila Development Autho­rity na pagpapaalis sa mga sasakyan na nakahambalang sa lansangan. Pero sana mas maganda kung magbigay muna sila ng babala at ilang araw na palugit sa mga may-ari ng sasakyan upang makahanap ng tamang paradahan at magkaroon ng daya­logo upang hindi rin mabigla ang mga tao sa mga biglang hila.

Noon kasi, hindi batid ng marami na lalaki ang populasyon, darami ang mga sasakyan at maging bangketa ay masasakop na dahil ginawa nang paradahan.

Maganda ring maipatupad muli ang “Anti-Jay Walking Law” para maibalik ang disiplina sa tao sa pagtawid sa kalsada at maiwasan na rin ang disgrasya.

Meron ding nasa tamang tawiran nga subalit hindi naman sumusunod sa batas trapiko dahil tumatawid kahit oras pa ng pagdaan ng mga sasakyan.

Halimbawa ang tawiran sa pagitan ng SM City Manila at Manila City Hall. Kahit naka-go ang mga sasakyan, tumatawid pa rin ang karamihan.

Simpleng batas, hirap na sumunod ang mga tao, eh, ano pa kaya kung kumplikad? – PAKUROT NI BOTONES