Simplified rules sa OFW bubuuin ng DMW

Simplified rules sa OFW bubuuin ng DMW

January 11, 2023 @ 10:28 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Gagawa ng mga bago at pinasimple na mga patakaran ang Department of Migrant Workers (DMW) para sa parehong lupa at sea-based na mga manggagawang Filipino habang hinahangad ng gobyerno na pahusayin pa ang mga proseso patungkol dito.

“Coming soon, new rules with ease of doing business as one of the guide posts,” sabi ni DMW Secretary Susan Ople sa isang media briefing.

“Gusto sana namin iyong rules na iyon simplified and easy to read, hindi na kailangan ng abogado para maintindihan,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Ople na ang mga nakaraang protocol ay inilathala at binuo ng Philippine Overseas Employment Administration.

Sinabi niya na ang departamento ay magkakaroon ng mga talakayan sa mga kinatawan ng mga recruitment agencies para pag-usapan ang naturang isyu.

Samantala, inihayag ng DMW chief na ang Pilipinas ay may mga imbitasyon para sa bilateral labor talks sa ilang mga bansa kabilang ang Romania, Hungary, at Portugal.

Ang gobyerno ng Hong Kong ay nagpalutang din ng posibleng talakayan sa deployment ng mga Filipino caregiver, ngunit sinabi ni Ople na ang mga ito ay nasa maaga pang yugto. Jocelyn Tabangcura-Domenden