SIMULAN ANG PAGBABAGO SA ATING MGA PULITIKO

SIMULAN ANG PAGBABAGO SA ATING MGA PULITIKO

January 10, 2023 @ 12:55 AM 4 weeks ago


MARAMI na ang mga nagugutom pa sa ating mga kababayan sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin lalo na sa pagpasok ng Bagong Taon.

Ang ating mga magsasaka na lamang ay ‘di na ganun kasaya gaya ng dati. Sari-saring krisis ang kanilang nararanasan samantalang ‘di naman tumataas ang presyo ng kanilang ani.

Ang mga ordinaryong ina ng mga tahanan ay problemado na rin kung paano pagkakasyahin ang maliit na kita ng padre de pamilya para pakainin ang kanilang mga supling.

Nakaaalarma ang ganitong kalagayan. Ang mga tanawin ng kahirapan sa kamaynilaan o sa kanayunan ay nakalulungkot nang pagmasdan.

Sabihin na nating ang kahirapan ay talagang ramdam na sa kahit saan parte ng mundo.
Pagkain, gasolina at kahit na mga pataba sa panananim at pag-aalaga ng hayop ay talaga namang sumirit na mula nang tangkaing sakupin ng Russia ang Ukraine noong Pebrero.

Ngunit tayo ay lagi nang nasa ‘oras de peligro’ at ang tanging pag-asa ay umangkat ng halos lahat na ng bagay sa ibang bansa para makaraos sa pang-araw-araw.

Ang mga pag-aangkat na ito, kung talagang susuriin ay pinakikinabangan ng mapagsamantala nating mga kababayan na kung lalaliman pa ang pagsusuri, ay may koneksiyon sa ating mga pulitiko at iba pang may mga katungkulan sa pamahalaan.

Lalong tumataas ang presyo ng anomang inaangkat natin, mapapagkain o ano pa man, dahil sa ganitong senaryo.

Sa mga nakaaangat sa buhay lalo na ang mga pulitiko at ibang pang nasa pamahalaan, tila ‘di nila ramdam ito dahil sa tinatamasang katiwasayan sa buhay.

Tila ‘di nila ramdam ang paghihirap ng bawat maliit na “Juan at Juana Dela Cruz” ng mga mahihirap na tahanan.

Siguro naman ay panahon na para magising ang ating mga pulitiko na sa kanila dapat magsimula ang magandang pagbabago.

Una dapat nilang isa-isip na ang kanilang mga kababayang naghihirap ang naglagay sa kanila sa pwesto dahil sa kanilang mga boto.

oOo oOo oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!