SINA SUDARIO AT DJOKOVIC

SINA SUDARIO AT DJOKOVIC

January 20, 2022 @ 5:57 PM 9 months ago


PINAG-viral kamakailan ng netizens ang video ng isang pulis na payapang hinarap ang isang wala sa sariling babae na sumampal, tumadyak, at nagmura sa kanya sa entrance ng isang mall sa Santiago City, Isabela. Mabuti na lang at ang pulis – si Patrolman John Paul Gomez Sudario ng Traffic Enforcement Unit ng siyudad – ay sobrang kalmado.

Para sa hindi nakaaalam sa kuwento, ang babaeng umatake kay Pat. Sudario ay ineskortan ng security guards palabas ng mall a hindi magandang inasal nito. Ibinaling niya sa unipormadong pulis ang kanyang galit at gumawa ng eksenang hindi kanais-nais panoorin.

Pero nanatiling kalmado ang pulis – ipinakita ang asal ng isang propesyunal na alagad ng batas; at nang may kabutihan sa kanyang puso – mga ugaling dapat taglayin ng isang tunay na tagapaglingkod ng bayan. Kalaunan, nakumpirmang ang bayolenteng babae ay mayroon palang sakit sa pag-iisip.

Napabilib ang Commission on Human Rights at pinuri ang bagitong pulis sa pagpapamalas ng “maximum tolerance.” Kaisa ang Firing Line sa inaasam ni CHR Spokesperson Jacqueline Ann de Guia na makakita ng mas marami pang kaparehong pagpapakita ng respeto sa karapatang pantao at dignidad sa lahat ng aspeto ng pagpapatupad ng batas.

Sa pagbabasa ng mga komento, sumasang-ayon ako sa sentim­yento ng maraming netizen na nauunawaang malaking bahagi ng puwersa ng ating pulisya ang guma­gawa ng kabutihan sa komunidad. Pero hindi ibig sabihin na ang mga pulis na umaabuso sa kapangyarihan laban sa mga inosenteng sibilyan ay dapat na palampasin na lang o magkubli sa anino ng mabubuting kabaro nila.

*              *              *

Mula nang magsimula ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa iba’t ibang panig ng mundo, walang aktuwal na mukhang kumakatawan sa mga nag-aalinlangang maturukan at nangangamba sa magiging epekto ng bakuna hanggang sa maaresto, iharap sa korte, at idiskuwalipa ng Australia ang world-ranked No. 1 tennis star na si Novak (No-Vaxx ang bansag ng ilan) Djokovic sa paglalaro sa kauna-unahang grand-slam event ng taon, hanggang sa tuluyan siyang maipa-deport.

At dahil dun, nakilala si Djokovic mula sa pagiging pinakasikat na atleta mula sa Serbia na ngayon ay popular na kontra-bakuna. Kasu­nod ng nakakahiyang sinapit niya sa Australian Open, nagising na lang si Djokovic nang sumunod na araw na ipinagbabawal na ng France ang mga hindi bakunado sa pakikibahagi sa pinakamalaking tennis tournament, ang French Open.

Ilang beses ko nang pinanindigan sa kolum kong ito posisyon ko rito: irespeto ang kalayaang mamili ng bawat indibiduwal.