Sinas ‘di nag-screening sa M. Oriental matapos magpositibo sa COVID-19

Sinas ‘di nag-screening sa M. Oriental matapos magpositibo sa COVID-19

March 14, 2021 @ 10:17 AM 1 year ago


Manila, Philippines – Sinabi ng lokal na pamahalaan sa Oriental Mindoro na hindi dumaan sa health screening protocol si Philippine National Police (PNP) chief Debold Sinas nang bumisita ito sa lalawigan.

“Si Gen. Debold Sinas ay hindi dumaan sa pier ng Calapan at hindi siya kabilang sa mga na-profile na kawani ng PGOM (Provincial Government of Oriental Mindoro). Siya ay dumating sa lalawigan lulan ng helicopter,” ayon sa lokal na pamahalaan ng Calapan City.

Anila sa pier ng Calapan City isinasagawa ang health screening at clearance sa lungsod ngunit dumiretso sa PNP Regional Headquarters si Sinas.

“Ikinalulungkot ng Pamahalaang Panlalawigan ang pangyayaring ito,” anila.

Nilinaw din ng pamahalaang panlalawigan na si Provincial Administrator Hubbert Christopher Dolor ay pumunta sa Mimaropa PNP regional headquarters ay upang talakayin ang vaccination rollout at hindi upang salubungin si Sinas.

“Tiniyak ng Pamahalaang Panlalawigan na sa panahong si PAMD Dolor at ang iba pang mga kawani ng PHO ay nasa kampo, siniguro nilang na-observe ang minimum health protocols,” ayon sa LGU.

Matapos magpositibo sa sakit ang PNP chief, kaagad nag-utos ng contact tracing sa Mimaropa regional police. RNT/ELM