SINASABOTAHE ANG LTO

SINASABOTAHE ANG LTO

September 9, 2022 @ 2:59 PM 3 weeks ago


Hindi na matapos-tapos ang mga problema at kontrobersya sa Land Transportation Office (LTO) kaya  malaki ang epekto nito sa publiko.

Partikular na apektado ang daang libong nagre-renew ng mga lisensya at nagrerehistro ng mga sasakyan na kailangang pagsibihan ng LTO sa buong bansa.

Ang isa sa malaking problema sa LTO ay ang napakabagal na pagproseso ng mga transaksyon na isinisisi sa napakabagal na internet connectivity.

Mabilis naman itong si LTO chief, Teofilo Guadiz  na pagbuntunan ng sisi ang German company na Dermalog, ang kasalukuyang information technology provider ng ahensiya.

Pero kasalanan nga ba talaga ng Dermalog ang kasalukuyang mga problema sa LTO?

Sa unang tingin, sisisihin ang Demalog dahil ito ang IT provider at tungkol sa Land Transportation Management System (LTMS) na kanilang ginagamit ang may mga isyu at problema.

Pero kung aaralin, lumalabas na may iba pang mga dahilan kung bakit nagkakaproblema sa LTO ngayon at malaki ang posibilidad na may kaugnayan ito sa sabotahe.

Ayon kay Atty. Nikki De Vega, spokesperson ng Dermalog, gumagana nang maayos ang LTMS na nakadisenyo upang mapadali at mapagaan ang proseso ng pagrerehistro ng sasakyan at renewal ng lisensya. Lahat ito ay magagawa na sa online.

Ang maganda pa sa LTMS, libre ito kaya nawala na ang sinisingil ng dating IT provider na computer processing at upload fees na malaking kabawasan sa binabayaran ng publiko.

Dahil libre, nakatitipid ang publiko ng bilyon-bilyong piso kung susumahin sa mga bayarin taon-taon. Kung okay naman pala ang LTMS, ano ba talaga ang dahilan ng pagbagal ng mga transaksyon sa LTO?

Batay sa pagsusuri ng management information division ng LTO at maging ng kanilang IT consultants, walang kinalaman ang Dermalog sa pagbagal ng interconnectivity sa ahensya.

Ang tunay na dahilan ng problema ay may mga computer ang LTO na hindi galing sa Dermalog na ginagamit pala ng “magagaling” na empleyado sa pag-download ng mga programang hindi dapat, bukod sa kanilang mga raket.

Nagka-clog tuloy ang network na nakaaapekto at nagpapabagal sa daloy ng impormasyon sa ibat-ibang sangay ng ahensya bukod pa sa napasok na rin ng malware o mga virus ang sistema.

Dahil dito, naisip ng Dermalog na paigtingin ang kanilang mga firewall at bawat computer ay may angkop na anti-virus system. Tinitiyak din na bawat empleyado na hahawak ng computer ay gagamitin ito kanilang angkop na trabaho.

Aba’y mukhang dapat mag-sorry si Guadiz sa Dermalog dahil lagi niya itong sinisisi sa mga sablay sa ahensya gayong ang mga tauhan pala naman niya ang may kasalanan. Ahihihi!