SINDIKATO SA DPWH, IIMBESTIGAHAN

SINDIKATO SA DPWH, IIMBESTIGAHAN

September 20, 2022 @ 11:39 AM 1 week ago


NITONG  Biyernes, nang literal na pinaralisa ng malawakang kawalan ng kuryente ang pangunahing paliparan ng bansa, ang Ninoy Aquino International Airport, kinailangang personal na pangasiwaan nina Transportation Secretary Jaime Bautista at Manila International Airport Authority General Manager Cesar Chiong ang idinulot nitong perhuwisyo.
Gayunpaman, dahil walang kuryente, pitong oras na nawalan ng silbi ang airport hanggang abutin ng Sabado ng umaga. Walong flights ang kinailangang ikansela at 23 iba pa ang naatrasado. Noong sinusundang weekend, dumanas din ng malawakang pagkawala ng supply ng kuryente ang malaking bahagi ng Luzon, kabilang ang Metro Manila.
Mayroon kayang isang taga-Department of Energy na makakapagsabi sa atin kung linggo-linggo na ba ang mga ganitong power outage?
Ang nasisiguro ko ay wala tayong pinoproblemang brownout bago naitalagang kalihim ng DOE si Raphael Lotilla at chairperson ng Energy Regulatory Commission si Monalisa Dimalanta, na parehong konektado sa pamilya Aboitiz.
Heads up lang, Mr. President. Hindi pa ba sapat na pabor ang pananatili ni Sabin Aboitiz bilang pinuno ng Private Sector Advisory Council ng Malacañang?
*              *              *
Sa pagdinig kamakailan ng House Committee on Appropriations sa panukalang budget ng Department of Public Works and Highways  para sa 2023, hinamon  si Secretary Manuel Bonoan na buwagin ang “sindikato” sa kagawaran na nangingialam sa pagkakaloob ng mga proyekto pabor sa ilang contractor.
Nangako si Bonoan na iimbestigahan ang sinasabing sindikato sa loob ng DPWH at sisibakin sa puwesto ang mga mapatutunayang sangkot dito.
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.