SINDIKATO SA HOSPITAL IBINUNYAG

SINDIKATO SA HOSPITAL IBINUNYAG

January 17, 2022 @ 10:32 AM 4 months ago


HINDI lang Philhealth ang inirereklamo ngayon kaugnay sa usad-pagong na proseso ng paniningil ng mga government hospital mula sa mga pasyenteng ginamot nitong karamihan ay covered ng tinaguriang health insurance ng gobyerno.

Naglipana rin sa loob ng provincial hospitals ang ilang buwayang kasapi umano ng sindikatong itinuturong nasa likod ng pagkubra ng reimbursements ng Philhealth sa mga pasyenteng umaasang maibabalik sa kanila ang ginastos habang nasa loob ng pagamutan.

Kagaya nitong hinaing ni Mang Bebot na halos mapudpod na ang tsinelas sa pag-follow ng reimbursements sa mga gamot na binili nito na nagkakahalaga ng sampung libong piso nang ma-confine ang kanyang asawang si Aling Marites sa Masbate Provincial Hospital noong Hunyo 2020 dahil sa karamdaman sa puso.

Kung pagbabatayan ang ibinigay na datos ng Philhealth sa Masbate City, binayaran na si Mang Bebot noon pang Agosto 12,2020 kung saan kabilang pa nga ang professional fee ng doktor na nag-asikaso sa kanyang asawang sa kaban ng PHO naman dumiretso ang bayad.

Subalit sa tuwing nagtatanong ang kawawang kababayan ko kung kailan makukubra ang reimbursements na ‘yan sa opisina ng PHO, hindi pa raw natsetsekehan ang nginangakngak umano ng mga antipatiko at saksakan ng sungit na mga personnel.

Susmaryusep naman kayo, mga Ale, hindi naman seguro nagmumula pa sa Amerika ang tseke na ‘yang halos dalawang taon nang pabalik-balik ang pobreng si Mang Bebot, hindi pa rin nasisilayan nito ang dulo ng tsekeng ‘yan.

O baka naman totoo nga ang alingasngas na may ilang buwaya riyan sa loob na kumukubra ng mga reimbursement na ‘yang lingid sa kaalaman ng mga pasyente?

Sa totoo lang, maraming tulad ni Mang Bebot ngayon ang ilang taon nang naghihintay ng mga kubransa nito sa PHO kung saan nananawagan na sila sa pamunuan ng National Bureau of Investigation na silipin ang sindikatong ito at sa iba pang mga pampublikong ospital sa bansa.

Tamaan sana kayo ng kulog at kidlat na mga ganid sa kwartang hindi na naawa sa kalagayan ng mga pasyenteng ‘yan.

Anomang puna o suhestiyon mag-tex sa 09999388537/email [email protected]