SINDIKATO SA LIKOD NG EXPANDED PARKING SCHEME

SINDIKATO SA LIKOD NG EXPANDED PARKING SCHEME

September 16, 2022 @ 5:21 PM 3 weeks ago


HINDI yata talaga mauubusan ng paraan ang ilang mga taga-gobyerno na makakulimbat mula sa pondo ng bayan.
Nakita na natin sa mga nakaraang taon ang sari-saring mga iskandalo tulad ng Fertilizer Fund Scam noong 2004, ang NBN-ZTE Deal noong 2007, ang Pork Barrel Scam noong 2013, at ang Parking Scheme noong 2019.

Lahat ito ay umani ng batikos mula sa taumbayan at may mga nakulong na dahil sa mga ito, pero kahit na delikado at minsa’y buwis-buhay na ang pagiging tiwali ay gagawin at gagawin pa rin ng ilang mga tao. Ganoon na lang siguro kalaki ang nakukuha nila mula sa pera nating taxpayers.

Gaano kalaki kamo? Ayon kay dating Deputy Ombudsman Cyril Ramos, noong 2019 ay umaabot ang halaga sa P700 bilyon bawat taon, katumbas ng 20 percent ng total budget appropriation ng bansa. Sa madaling salita, bente pesos sa bawat sandaan ay nauuwi sa bulsa ng gahamang government officials at workers na sana’y nagamit para sa serbisyo publiko. Kung ganyan kalaki nga naman ang halaga, hahanap at hahanap ang ilan sa atin ng paraan para makakupit.

Kaya’t eto ngayon, may isa na namang scheme na inilantad si Senador Alan Peter Cayetano na matagal nang kalaban ng corrupt officials. Kung may Parking Scheme noong 2019, may “Expanded Parking Scheme” naman ngayon, at ang nilalaro nila ay ang Department of Public Works and Highways.

Sa dating parking scheme, ayon kay Cayetano, medyo mas maliit ang halaga at madalas ay sa bicam na ito nangyayari.

Ngayon ay nakakaalarma na dahil sa National Expenditure Program o NEP pa lang ay nakasalang na ang parking bago pa man ito maihain sa Kongreso. May mga distrito na babawasan ang allocation by as much as 90 percent, para malapitan sila at sasabihang ibabalik ang pondo pero may favored contractor na ang mga operator na ito. Kickback yarn?

Ang duda ni Cayetano at ng maraming nagsumbong sa kanya, may sindikatong gumagawa nito.
Kaya dapat madaliin ng gobyerno ang pag-imbestiga sa bagong pasabog na ito ng senador dahil kung babagal-bagal ulit tayo, aba e kahit mahuli at makulong pa ang mga magnanakaw na ‘yan, e naibulsa na ang pera. Hindi tayo papayag nito kaya makikibantay tayo kay Cayetano sa usaping ito.