Singil agad sa daan para maareglo! 10 tauhan ng towing company, arestado

Singil agad sa daan para maareglo! 10 tauhan ng towing company, arestado

August 1, 2018 @ 5:20 PM 5 years ago


 

Makati City – Sampung tauhan ng dalawang towing company na accredited sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)  ang inaresto ng mga operatiba ng Regional Special Operations Unit,  National Capital Region Police Office (RSOU, NCRPO) sa isang entrapment operation sa  Makati City kahapon ng madaling araw matapos na ang mga ito ay mangingikil umano sa mga truck driver.

Ang 10 suspek na nakilalang sina Nestor Morano, 52, tow truck driver; Edgardo Banania, 39; Elmer Balanoyos, 30; Jose Reyes Jr., 33;  Robbie Barroso, 26; Joel Moralde, 22; Jimmy Ojario, 41, pawang mga tauhan ng Bernadine Towing Inc; Jesus Cañon, 41; Jose Dario Jr., 45 at Rodrigo Santos, 58, pawang mga tauhan naman ng NJP Towing Inc.

Ang mga naturang suspek ay kasalukuyang nasa custody ng RSOU, NCRPO sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City at ang mga ito ay sasampahan ng kasong robbery extortion.

Samantala, kinilala naman ang ilang mga truck driver na nagreklamo na sina Deosdado Puerto; Rodrigo Dela Cruz; at operator na si Rosie Diaz, 36

Ayon sa report  ala-1:00 kahapon ng madaling araw nang magkasa ng entrapment operation ang mga tauhan RSOU, NCRPO sa kahabaan ng Osmeña Highway, Makati City matapos silang nakatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y pangingikil ng ilang towing company sa mga driver na nasisiraan ng kanilang truck.

Ang reklamo ay nagresulta nang pagkakadakip sa 10 tauhan ng Bernadine Towing Company at NJP Towing, Inc., mga  towing company na accredited sa MMDA.

Ayon sa pahayag ng mga nagrereklamong truck driver bago pa man mahatak ng naturang towing company ang kanilang mga sasakyan ay aaregluhin na ito para hindi na madala sa impounding area sa Marikina City.

May nakapaskil sa mga towing truck na presyo ng towing service depende sa laki ng sasakyan at ayon sa RSOU kaya hindi raw ito nasusunod dahil nagkakasingilan agad sa kalsada.

Kuwento ng isa sa mga nagrereklamong truck driver na nasiraan sa Osmeña Highway ay siningil agad siya ng P5,000 para di na mahatak ang sasakyan subalit nagkaroon ng tawaran na umabot na lamang sa P3,500 ang babayaran.

Napag-alaman na ang singilan kapag nahahatak at wala pang record sa towing company ay P12,000.00 at kapag may record na ay nasa P10,500.00 na lang.

Katwiran naman ng mga suspect na nirerentahan ang mga towing truck sa accredited service provider ng MMDA kaya legal ang kanilang operasyon.

Dahil sa naturang insidente ay kaagad na sinuspinde ng MMDA ang operasyon ng Bernadine Towing Company at NJP Towing Inc.

Ang 12 tow truck ng Bernardine Towing Company ay agad naman na dinala sa impounding area sa Marikina at gayundin ang 3 tow truck ng NJP Towing Company.

Sabi ng MMDA, pinaiimbestigahan na nila ang insidente at hindi aniya nila pahihintulutan ang mga ganitong uri ng gawain. (James I. Catapusan)