Single rider sa EDSA, ipagbabawal na ng MMDA

Single rider sa EDSA, ipagbabawal na ng MMDA

August 8, 2018 @ 7:14 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Ipagbabawal nang dumaan sa EDSA ang mga sasakyang driver lamang ang sakay tuwing rush hour sa ilalim ng panuntunang inaprubahan ng mga alkalde ng Metro Manila, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kahapon (August 7).

Sinabi ng MMDA na inaprubahan na ng Metro Manila Council ang High Occupancy Vehicle (HOV) scheme kung saan ang mga sasakyan lamang na may dalawa o higit pang pasahero ang tanging may karapatang makadaan sa EDSA.

“We have a data that 70 percent of vehicles along EDSA carry only the driver,” ayon kay MMDA general manager Jojo Garcia sa isang statement.

Hindi pa naglalabas ang MMDA kung kailan sisimulang ipatupad ang scheme ngunit sinabi nitong bubuo na sila ng draft guidelines at magsasagawa rin ng dry run bago ito tuluyang ipatupad.

Dagdag pa ni Garcia, ang ban ay hindi sasakupin ang kabuuan ng EDSA.

“Pipiliin lang natin ‘yung mga segments na kailangan natin,” sabi niya.

Samantala, suportado rin ng mga Alkalde ang plano ng ahensiya upang i-regulate ang pagpasok ng mga provincial buses sa EDSA.

Sa ilalim ng plano, ang mga provincial bus na magmumula sa north ay magtatapos ng ruta sa Valenzuela Interim Terminal habang ang mga bus naman mula south ay magtatapos ng kanilang ruta sa South Interim Provincial Terminal, sabi ng MMDA.

Planong ipatupad ang polisiya sa August 15 ngunit kasalukuyan pa rin itong pinag-aaralan ng ahensiya, ayon kay Garcia.

“We are not in a hurry to implement the policy as we want to make sure everything is in order,” paliwanag ni Garcia. Remate News Team