Single use plastic, ipagbabawal sa QC; Turista sa Bora, babawasan

Single use plastic, ipagbabawal sa QC; Turista sa Bora, babawasan

July 13, 2018 @ 6:36 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Pinag-iisipan ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang unti-unting pagbabawal ng single-use plastics sa QC lalo’t Pilipinas ang isa sa mga bansang may pinakamalaking plastic wastes sa karagatan.

Ayon sa ulat ng Ocean Conservancy and Mckinsey Center for Business and Environment noong taong 2015, ang Pilipinas ang ikatlo sa may pinakamaraming plastic waste pollution sa mga karagatan sa buong mundo.

Kamakailan ay inihain ni Senator Risa Hontiveros ang Senate Bill No. 1866 o “Plastic Straw and Stirrer Ban of 2018” na naglalayong ipagbawal ng paggamit ng plastic straws at stirrers sa lahat ng establisyimento.

Inaatasan ng batas ang mga restaurant na magpaskil ng mga palatandaan para makapagbigay-alam sa mga mamamayan ukol sa patakaran na “no plastic straw and stirrer” at ang hindi susunod ay magmumulta ng P50,000 hanggang P150,000 o suspensyon ng business permit.

Nilinaw naman ni Belmonte na uunti-untiin ng QC ang pagbabawal ng plastic sa lungsod.

Magbibigay umano sila ng mahabang deadline upang ubusin ang suplay ng mga single-use plastic utensils.

Para naman sa mga hindi makakasunod sa deadline, makikipag-ugnayan ang lungsod upang magbigay ng ibang deadline para sa kanila.

Sa ngayon, ipinatutupad ng QC ang Ordinance No. SP-2127 na nagbabawal na sa paggamit ng plastic at styrofoam sa loob ng musisipyo.

Mayroon din umano silang Ordinance No. SP-2140 at SP-2103 na may mandatong mangongolekta ng environmental fees para sa mga gagamit ng plastic bag sa lungsod.

Ikinatuwa naman ni DENR Usec. Benny Antiporda ang panukala ni Belmonte, dahil malaki umano ang maitutulong nito sa waste management ng bansa.

Aniya, malaking problema sa kasalukuyan ang basurang bumabara sa mga kanal ng Metro Manila kung saan ang karamihan ay mga maliliit na plastic at straw na walang habas na itinatapon kung saan-saan.

Kung masisimulan umano ito sa QC ay maaari itong sundan ng iba pang siyudad.

Samantala, balak ng gobyernong limitahan ang bilang ng mga turista at imprastratura sa Boracay.

Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing lll, pinag-aaralan nila ang “carrying capacity” ng isla, bilang ng mga tao at  imprastrakturang makakaya ng Boracay.

Kahit umano ang mga residente ay posible ring limitahan kung kinakailangan. (Nenet L. Villafania)