Sinitang P3B inilagak sa investment ng PS-DBM, ibabalik sa Treasury

Sinitang P3B inilagak sa investment ng PS-DBM, ibabalik sa Treasury

September 1, 2022 @ 11:46 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Ibabalik ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) sa national treasury ang ₱3 billion na investment funds na pinuna at kinuwestiyon ng Commission on Audit (COA).

Sinabi ni PS-DBM Executive Director Dennis Santiago, rerepasuhin ng ahensiya ang audit observation hinggil sa sinasabing “high yield savings account” na pinuna ng COA.

Tiniyak na ang pondo ay handa “for remittance” sa oras na makumpleto na ang ebalwasyon.

“The amount of ₱3 billion is intact, and I am for the return of the money to the national treasury as soon as we have properly clarified the nature of the funds with COA,” ayon kay Santiago.

Sa annual audit report, ipinag-utos ng COA sa PS-DBM na kaagad na i-remit ang halaga sa state coffers.

Idinagdag pa nito na tila lumihis ang PS-DBM mula sa kanilang mandato nang mamuhunan sa “high yield savings accounts” sa Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines “to earn interest at higher rates as compared to that of a current or savings account.”

“The practice of investing cash in a high yield savings account, therefore, deviates from its mandate of procurement of CSE (common-use supplies and equipment) which requires the utilization of funds,” dagdag na pahayag ng COA.

Sinabi naman ni Santiago na nananatili siyang committed na paghusayin ang procedures sa PS-DBM habang patuloy namang iniimbestigahan ng mga mambabatas ang procurement deals na isinagawa sa nasabing tanggapan sa panahon ng nagdaang administrasyon. Kris Jose