Sinkhole sa Boracay, 815 na – DENR-MGB

Sinkhole sa Boracay, 815 na – DENR-MGB

December 16, 2022 @ 7:52 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Umakyat na sa 815 ang mga naitatalang sinkhole na lumitaw sa Boracay Island.

Ito ay tumaas mula sa 789 na sinkholes na nakita noong 2018 ayon sa pag-aaral ng
Department of Environment and Natural Resources-Mines Geosciences Bureau (DENR-MGB).

Sa kabila nito, sinabi ng alkalde ng Malay, Aklan na walang dapat ipag-alala ang mga tao sa mga sinkhole na nakita sa tatlong barangay sa isla.

Ang sinkholes ay karaniwang lumalabas sa mga lugar na limestone ang nagsisilbing pundasyon katulad na lamang ng Boracay sanhi ng pagkawala ng tubig sa ilalim ng lupa, bumagsak na istruktura sa ibabaw nito o kaya naman ay lindol.

Dahil dito, nagpaalala ang DENR na dapat ay mahigpit na sundin ang carrying capacity o dami ng tao na dapat lamang dumarating sa isla.

“Gaano ba kalaki ang mga sinkhole na ‘yan? Makakaapekto ba? Kasi matagal na ‘yung mga structure diyan. Never akong may narinig na report ever since, na mayroon sa Boracay… mayroong nag-crack dahil nga sa sinkhole,” tanong ni Malay, Aklan Mayor Frolibar Bautista.

Dagdag pa niya, mayroon namang panuntunan na sinusunod sa isla bago magpatayo ng istruktura at handa rin umano silang magbawas ng tao sa isla para masunod ang carrying capacity.

Sa ngayon ay wala pang komento si Department of Tourism Secretary Christina Frasco tungkol sa isyu.

“I’d like to defer my statement on that first to the DENR as well as the MGB as we await an official report from our regional office of the DOT,” ani Frasco. RNT/JGC