SINO ANG DAPAT PANIGAN?

SINO ANG DAPAT PANIGAN?

July 27, 2018 @ 8:06 PM 5 years ago


Aray!  ‘Yan ang salitang dapat lumabas sa bibig ng human rights advocates na kontra sa kampanya  laban sa droga ni Pangulong Rodrigo Duterte nang sabihin ng huli sa mga unang banat pa lang kanyang “State of the Nation Address” noong Lunes na “Your concern is human rights, mine is human lives” sapagkat siguradong tinamaan sila.

Kung hindi ininda ng mga ito ang mga binitiwang salita ni Presidente Duterte, tiyak na bukod sa masama ang balak nila laban sa Pangulo,  malamang na malaki ang pakinabang ng mga ito sa pagkalat ng bawal na gamot na sumisira sa kinabukasan ng maraming kabataan at buhay ng mamamayan.

Ang hirap naman kasi sa mga nagpapanggap na makabayan at nagsasabing panig sila sa karapatang pantao ay hindi nila ti­nitingnan ang epekto ng droga sa mga sinasabi nilang kanilang nais na bigyang proteksyon.

Ang mga nahuli, napatay na tulak at talamak na gumagamit ng droga ang mas binibigyang halaga ng mga mapagpanggap na human rights advocates pero balewala sa kanila ang biktima. Ang ilan din ay napatay lalo na kapag pumasok na ang usa­ping  “double cross” o hindi pagbabayad sa nagamit na droga.

Kapag pakaiisipin, may laman ang banat ni Pangulong Digong sa binitiwang salita na “Mine is human lives.”

Tama naman sapagkat kapag hinayaang maging talamak ang droga at tuloy-tuloy ang gamit nito ng mga taong sa una ay maayos pa subalit kapag naglaon ay malulong na, tiyak na iba na ang kakauwian nito na posibleng hindi lang pagnanakaw kundi hanggang panghahalay at pagpatay.

May mga pagkakataon na maraming buhay ang nawawala at ang sanhi ay droga. Hindi naiisip ng human rights advocates (kuno) na nagmamagaling na dapat bigyan ng pagkakataon ang mga drug addict na magbagong buhay subalit hindi naman binigyan ng pagkakataon ang kanilang mga biktima na ganoon din ang gawin — ang magbago.

Kaya naman tayong mga ordinaryong mamamayan, sa tingin natin, sino ang mas totoong nagpapahalaga sa buhay ng tao?  Ang human rights advocates na palaging o mabilis na rumeresponde ‘pag may naagrabyadong suspek o si Pa­ngulong Duterte na may utos na ubusin ang mga sangkot sa droga na ang tanging nais ay mabigyan ng proteksyon ang mga nananahimik at walang laban na inaabuso ng mga lango sa bawal na droga? – PAKUROT NI LEA BOTONES