SINO ANG MAY TAMA?

SINO ANG MAY TAMA?

October 25, 2022 @ 4:07 PM 1 month ago


INAABANGAN ng lahat ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa petisyong inihain ng beteranong si Atty. Romeo Macalintal na kumukwestiyon sa pagpasa ng Kongreso ng batas na nagpapaliban ng Barangay at SK elections.

Para kasi kay Macalintal, lumagpas ang mga mambabatas sa kapangyarihan nito, nang gawin ang batas, na dapat ang Commission on Elections (Comelec) ang nararapat na gumawa o magdesisyon kung ipagpapaliban ang halalan.

Nakabingit ngayon sa Korte Suprema ang legalidad ng Republic Act 11935, na naglilipat sa BSKE na dapat ay gaganapin sa December. 5, 2022 at sa halip ay sa unang Lunes na ng October, 2023.

Maging ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay naghayag na rin ng kanyang saloobin dahil siya ang huling lumagda upang maisabatas ang pagpapaliban ng BSKE.

Para kay PBBM mayroong basehan ang pagpapaliban ng BSKE. Ito raw ay isinasaad ng Local Government Code. At ang pagpapasa ng Kongreso sa batas ay isang legal na proseso.

Pero sa petisyon ni Macalintal, ang kapangyarihan na ipagpaliban ang BSKE ay sakop ng Comelec at hindi ng Kongreso. Dahil ayon raw sa 1987 Constitution di pinapayagan ang mga mambabatas na siyang magdesisyon kung ipagpapaliban ang halalan i-extend ang termino ng mga opisyal ng barangay.

Sino man ang (may) tama sa argumentong ito, ay mga hukom lamang ng Korte Suprema ang makakapagsabi.

Para sa akin, lagi na lamang tayong nagtatalo at paikot-ikot sa tuwing nalalapit ang BSKE, bakit di na lang tayo gumawa ng batas na di na maghalal ng ating barangay officials? At sa halip ay magtalaga na lamang ng mga ito.

Ang pag-uusapan na lamang ay sino naman ang magtalaga sa ating mga barangay officials? Ang Malacañang ba? O, LGU officials gaya ng mayor, o gobernador sa mga lalawigan.

Mas madali pang tanggalin sa posisyon ang barangay officials, kung sakaling sumablay sila sa kanilang mga tungkulin.
Sa palagay ninyo, sino ang (may) tama, sa usaping ito?

oOo oOo oOo

Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!