KALIGTASAN NG 200K PINOY SA TAIWAN DAPAT TIYAKIN

August 12, 2022 @3:25 PM
Views:
72
NGAYON pa lang, dapat nang magplano at gumawa ang pamahalaan ng mga hakbang para tiyakin ang kaligtasan ng lahat ng Pinoy sakaling may hindi magandang mangyari sa Taiwan.
Alam naman ng lahat na nag-iiringan ang Taiwan at China at lumala ang iringan makaraang bisitahin ang una ni Nancy Pelosi na Speaker ng United States House of Representatives.
Nagsasagawa sa mga araw na ito ang China ng tuloy-tuloy na praktis na tila anyo ng darating na pwersahang pagsakop sa Taiwan.
Noong nakaraang Huwebes hanggang araw ng Linggo, nagsagawa ng live fire exercises ang China sa hilaga, timog at silangang bahagi ng Taiwan.
At sa pagitan ng Taiwan at China na Taiwan Strait o karagatang nasa pagitan ng mga ito, pumasok ang China sa nasasakupan ng Taiwan.
At sa bandang timog, anak ng tokwa, pumasok ang mga pandigmang barko ng China sa 12 nautical miles na itinuturing na teritoryong pandagat ng Taiwan.
Nagpalipad din ang China ng missile sa ibabaw ng Taiwan habang lumapit nang husto ang mga fighter plane at bomber ng una sa teritoryo ng huli.
Sa huling mga araw, nagsagawa rin ang China ng mga ehersisyon sa parteng hilaga sa pagitan ng Japan at Taiwan at kasama rito ang mga submarino at barko at ngayo’y nakikipagpatintero ang mga barko ng Taiwan sa mga ito.
BUNGA NG EHERSISYO
May bala ang mga kanyon, baril at live missile ang mga pinalilipad ng China.
Sa ngayon, nagsasagawa rin ang Taiwan sa mga karagatan at kalupaan nito ng mga live fire exercise para pandepensa sa kanilang sariling bayan.
Ang lahat ng ito ay nagbunga ng mga kanselasyon ng mga biyahe ng eroplano.
Gayundin na maraming barko ang umiwas sa Taiwan Strait at naglayag sa pagitan ng Taiwan at Pilipinas.
Kung magiging tuloy-tuloy ang mga ito, kasabay ang mga harangan ng mga negosyo ng dalawa, may mga kompanyang manghihina at magsasara dahil sa paghina ng negosyo.
Mula sa nasa 200,000 Pinoy na nagtatrabaho sa Taiwan para sa turismo nila, pabrika, pangisdaan at iba pa, may mga Pinoy na maaapektuhan o mawalan ng trabaho.
Sana naman, hindi tutungo sa giyera ang mga ginagawa ng dalawa pero kung magkakagiyera, lalong mapasasama ang kalagayan ng mga Pinoy.
PAGLILIKAS AT PROTEKSYON NG MGA PINOY
Napakalaking bilang ang 200,000 katao para ilikas o protektahan mula sa kawalan ng trabaho hanggang sa gitna ng panganib sa ari-arian at buhay.
Ano-ano na ba ang mga paghahanda ng pamahalaan ukol dito?
Ano-ano na ba ang antas ng ugnayan ng pamahalaan at mga Pinoy ukol sa sabihin na nating pinakamasamang posibleng mangyari?
‘Yung bang === magkakagiyera at magkaroon ng mga pagharang ng galaw ng mga sasakyang panghimpapawid at pandagat at magkakaroon din ng mga patayan gaya ng nagaganap sa Russia at Ukraine?
Kung iisipin, napakalapit ang Taiwan sa Pilipinas at madali ang paglilikas.
Pero ibang usapan na kung may giyera dahil harang na ang lahat ng biyaheng panghimpapawid at pandagat.
Ano-ano rin ang gagawin sa magsisibalikang Pinoy na mawawalan ng trabaho at paano ang kanilang mga pamilyang umaasa sa mga ito?
PAMILYA’Y INGATAN

August 12, 2022 @3:23 PM
Views:
149
“BAWAL ang magkasakit,” ang sabi ng isang patalastas, dahil nga sa hirap ng buhay sa ngayon, ang pagpapagamot lalo na ang pagpapaospital ay ang tuluyan na nating ikamamatay.
Kaya maging ang ating pamahalaan ay kumambyo na sa diskarteng ‘ingatan ang ating mga sarili’, sa mas tiyak na ‘pagiingat ng buong pamilya.’
Ang mga sumunod na variant o klase ng corona virus, kahit na mahina na, nang dahil tayo ay may mga bakuna na, ay nakakahawa pa rin.
Tanungin niyo ang inyong mga kakilala kung paano sila nagkaroon ng virus na variant ng COVID-19, walang ibang sagot kung di nakapasok ito sa kanilang mga bahay at nagpalipat-lipat na, sa lahat ng miyembro pamilya.
Kaya ang dapat nating gawin ay pag-iingat bilang isang pamilya at di na bilang indibidwal.
Ihalimbawa natin ang ibang sakit na nakakahawa, gaya ng tuberculosis o TB. Milyon pa rin ang kaso nito sa Pinas at nagtatala ng pitumpung kamatayan kada araw.
Kasi naman kapag na-diagnose na ang isang may TB sa isang pamilya, ito lamang ang binibigyang pansin para magamot. Hindi na ang iba pa niyang nakasalamuha o nakasama, sa bahay man o sa pinagtratabauhan.
Kung ang pagiingat ay itututok natin sa buong pamilya, di na dadami ang nakakahawang sakit na ito. Ganun din na pagiingat na kinakailangan upang di na magkahawaan ng virus.
Kung dati ay ingatan ang ating mga sarili, ngayon ay dapat na ingatan ang pamilya. Sa ganitong paraan ay talagang maipagbabawal na natin ang magkasakit.
Iwas gastos na rin ang paraang ito. Dahil sa panahon ngayon, maituturing na rin natin ang paggastos o sabihin na nating ang mga gastusin ay sanhi na rin ng ating pagkakasakit. Sa iba pa nga ay kamatayan na ang resulta.
oOo
Assalamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh!
ISYU SA P2.4B LAPTOP PURCHASE BUSISIIN

August 12, 2022 @3:21 PM
Views:
94
MALAKING hamon sa liderato ni Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte ang pag-iimbestiga sa sumabog na kontrobersiya hinggil sa pagbili umano ng mahal ngunit lumang bersyon ng laptop na nagkakahalaga ng P2.4 bilyon.
Bagama’t taong 2021 pa isinagawa ang pinaniniwalaang maanomalyang transaksyon subalit masusubok ngayon ang kahusayan at katapatan ng bagong kalihim kaugnay sa ipinangangalandakan nitong tuldukan ang katiwalian sa kagawarang madalas pinuputakte ng reklamo.
Batid ng sambayanan na hindi sangkot si dating DepEd Secretary Leonor Briones sa isyu bunsod sa malinis ang pagkatao nito subalit pinaniniwalaan umanong may ilang kakutsabang opisyal sa loob na dapat managot sa kontrobersiyang ito.
Tanong ng taumbayan, sabihin man na ang tanging partisipasyon ng dating kalihim ay ang pagpirma sa Memorandum of Agreement ng ahensya at DBM,hindi ba’t karapatan din niya na alamin kung luma,bago at mahal ang biniling laptop ng kagawarang marapat lang na ireklamo kapag hindi nasunod ang specs ng transaksyon?
Ibig sabihin,obligasyon ni Briones na irekomenda sa Department of Budget and Management na putulin ang kontrata sakaling nakita na niya noon na malulugi ang gobyerno sa pagbili nitong 39,000 na laptop sa halagang P58,300 bawat isa na ayon sa COA findings ay hindi makatuwirang transaksyon.
Oo nga’t umuusok sa galit ang dating kalihim dahil sa pag-uugnay ng kanyang pangalan sa isyu subalit hindi rin dapat sisihin ang libo-libong mga gurong bumatikos dahil malaking bahagi rin ng kanilang suweldo ang nawala at napunta sa mga buwayang inutangan nila upang makabili ng laptop na ginamit sa online class noong pandemya.
‘Yun bang hindi nga sangkot si Briones dito ngunit kailangan magsagawa ngayon ng malalimang imbestigasyon si Secretary Duterte dahil batid ng taumbayang meron naulingan dito na ilang opisyal sa ahensyang mula noon ay inuulan na reklamo hinggil sa iba pang maanomalyang transaksyon.
Hindi ba’t mula sa pag-gawa ng textbooks hanggang sa pagbili ng iba pang reading materials ay madalas bumabalandra sa kontrobersiya ang kagawarang mistulang lulubog at lilitaw ang ilang opisyal sa loob?
MINING TINGNAN BILANG NATURAL RESOURCES

August 12, 2022 @3:19 PM
Views:
72
NAPAKAHALAGA ng mining. Hindi lang sa mining companies, sa mga nakikinabang dito na minero at trabahador subalit maging sa pamahalaan sapagkat ang pagmimina ang paraan kung paano makatutuklas ng natural resources at natural treasure.
Malaki ang maitutulong ng pagmimina sa Pilipinas dahil dito posibleng makahukay o makatuklas ng likas na yaman na mula sa lupa at makatagpo ng mineral na magiging malaki ang pakinabang.
Maraming mineral na nahuhukay sa lupa ang pinakikinabangan ng mamamayan tulad ng uling, ginto, pilak, platinum, tanso, bakal at marami pang iba. Malaking tulong ang nagagawa ng mga ito sa ating pamumuhay.
Kaya naman maituturing na ang pagmimina ay ugat ng natural resources at natural treasure. Hindi kailangang ituring na ang pagmimina ay salot basta tiyakin lang na sa paggamit nito, kailangang maging environmentally neutral.
Aminin man o hindi nating mga Filipino, malaki ang naiaambag ng pagmimina sa ekonomiya ng bansa at maging sa takbo ng pamumuhay ng mga tao.
Isang halimbawa na malaki ang tlong ng pagmimina ay ang produktong langis na nakukuha sa pagmimina. Sakaling walang naghuhukay para sa produksyon ng langis, paano na kaya tatakbo ang mga sasakyan at makinarya na gamit sa mga pabrika na nagbibigay ng trabaho at produktong gamit ng mamamayan.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na batid niya noon pa man ang mga kailangang malaman sa pagpapatupad ng mining sa ating bansa. Kaya naman ipinahayag niya na kayang-kaya imonitor ang pagmimina bukod pa sa madali lang naman mairegulate ang mining industry sa bansa.
Sa usapin ng taxation, sinabi ni Presidente Bongbong na sisikapin ng kanyang administrasyon na maiayos ang kita ng pamahalaan sa usapin ng tax sa mining at hindi para taasan pa ang singil dito.
Iginiit pa ni Pangulong Marcos na hihikayatin ang mga may-ari ng mining company na panatilihin sa Pilipinas ang hilaw na produktong mineral na nakuha sa pagmimina upang sa gayun ay mapatawan ito ng karapatang value added tax.
Makabubuti sa ating bansa, ani PBBM, na sa halip na i-export o dalhin sa ibang bansa ang hilaw na produktong mineral at metal at maiwan ito sa Pilipinas o kaya naman ay bago dalhin sa ibang bansa bilang export product ay partially processed na ito nang sa gayun ay mapatawan pa rin ng VAT na magiging bahagi ng kita ng bansa.
Anomang puna o reklamo i-text sa 09189274764,
09266719269 o i- email sa [email protected] [email protected]
‘DI HOLIDAY ANG AUGUST 9; TANUNGIN N’YO SI JPE

August 12, 2022 @3:17 PM
Views:
80