SINO ANG SUSUNOD AT HINDI SA COURTESY RESIGNATION?

SINO ANG SUSUNOD AT HINDI SA COURTESY RESIGNATION?

January 6, 2023 @ 1:58 AM 4 weeks ago


MAGANDA ang layunin ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos nang manawagan ito sa lahat ng senior officer ng Philippine National Police na magsumite ng kanilang courtesy resignation.

Sakop ng kanyang panawagan ang lahat ng full-fledged colonel hanggang sa mga heneral, kasama na ang PNP chief.

Bagaman hindi nito idinaan sa dokumento ang panawagan, may mga nagsimula nang tumugon dito at nanguna sa listahan mismo si PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr.

Sa nasa 300 na nasabing opisyal, sino-sino ang iba pang tutugon?

PAGBABALIK NG NINJA COPS AT IBA PA

Kabilang sa mga batayang dahilan ng panawagan ang malinaw na pagbabalik ng mga ninja cop at iba pa sa industriya ng droga.

Mismong si dating Heneral at PNP chief at ngayo’y Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa ay nagrereklamo sa pagbabalik ng mga ninja cop.

Paano nga naman kasi, mga Bro, araw-araw na may balitang malakihang droga sa Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite, Cebu, Mindanao at Luzon at nasasangkot sa ilan dito ang mga ninja cop.

Ninja cop ang tawag sa mga nanghuhulidap o panghuhuling may pangingikil, sangkot sa pag-recycle o muling pagbebenta ng mga nahuhuling droga, protektor ng mga pusher druglord at narco-politician.

May nagiging druglord na rin mismo na mga pulis gaya ng nahulihan noong Oktubre 2022 ng halos isang toneladang shabu sa Sta. Cruz, Manila na alaga ng isang heneral ng PNP.

Bago nito o noong Agosto 2022, may 400 kilong shabu na nasakote sa Pangasinan at La Union bagama’t hindi malinaw kung may ninja cop na sangkot dito.

May mga dumarating ding shabu, marijuana, cocaine at ecstasy na konektado sa mga dayuhang gaya ng ilang Nigerian, Malaysian, Amerikano at iba pa.

Mga Chinese naman ang karaniwang konektado sa mga shabu na isinisilid sa lagayan ng mga tsaa.

Nitong Disyembre 2022, mahigit sa P7 bilyong halaga ng droga ang sinira ng mga awtoridad.

 PAANO ANG MGA HINDI TUTUGON?

Katwiran ng grupo ni Sec. Abalos, walang dapat na ipag-alala ng sinomang PNP official na hindi sangkot sa droga.

Pero isang paraan umano ang courtesy resignation para makapag-imbestiga ang mga awtoridad sa ninja cops.

‘Yun bang === para hindi makakilos ang mga sangkot na opisyal para sirain o itago ang mga ebidensya o magkaroon ng kapangyarihang impluwensiyahan ang mga posibleng testigo laban sa kanila.

Ang problema rito ay kung hindi lahat o nakararami sa mga ito ang hindi magsusumite ng courtesy resignation sa mga ligal na kadahilanan.

Isa sa mga posibleng dahilan ang kakulangan ni Sec. Abalos ng sapat na kapangyarihan para ipilit nito ang gustong mangyari lalo’t si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang talagang bosing ng mga pulis.

Lahat din ng mga colonel hanggang heneral ay umangat sa pwesto bilang career officers at maaaring hindi basta masisibak o mapipilit na sasailalim sa courtesy resignation.

Baka naman mas magandang gawin nina Sec. Abalos na direktang tukuyin ang mga pinaniniwalaang sangkot sa droga, suspendihin muna ang mga ito at saka imbestigahan nang harap-harapan o palihim.