Sino ang tunay na Minorya? – Kanya-kanyang paksyon, nabuo

Sino ang tunay na Minorya? – Kanya-kanyang paksyon, nabuo

July 25, 2018 @ 1:54 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Iba’t ibang paksyon sa House of Representatives ang nag-uusap  para makabuo ng tunay na minorya, ilan sa mga naghahabol na maging Minority Bloc ay ang Alvarez Bloc, Danilo Suarez Bloc na dating Minorya sa termino ni House Speaker Pantaleon Alvarez, Magnificent 7, ang Liberal Party Bloc at ang Makabayan.

Kung sino ang magkakaroon ng sapat na numero ang siyang maaaring hirangin na Minorya at kung paano ito maisasakatuparan ay patuloy na pinagtatalunan.

ALVAREZ BLOC

Una nang nagpahayag ng intensyon ang grupo ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez na maging Minority Bloc kung saan mayroon umano silang 25 na miyembro at si dating House Majority Leader Rodolfo Farinas ang napipisil na maging Minority Leader.

 

SUAREZ BLOC

Si Quezon Rep Danilo Suarez ang siyang dating House Minority Leader sa termino ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez, bagamat pumirma sa Manifesto of Support si Suarez para sa liderato ni bagong House Speaker Gloria Macapagal Arroyo na awtomatikong sa mayorya ito dapat mapabilang ay naghahangad pa rin si Suarez na maging Minority Bloc.

Sinabi ni Suarez na kung hindi magiging katanggap-tanggap sa ibang mambabatas ang Alvarez Bloc bilang Minority ay lalaban sila para mapanatili ang posisyon bilang Minority Leader. Ang Suarez Bloc ay may 18 kaalyadong mambabatas.

Kinumpirma ni Suarez na sumulat na sila kay Arroyo para ipabatid ang intensyon na panatilihin ang kanilang Minority Bloc, katwiran ni Suarez na mas kailangan ngayon ng supportive Minority Bloc lalo at isang taon na lamang ay magtatapos na ang 17th Congress at may mga priority bills na dapat tutukan.

 

MAKABAYAN BLOC

Kinumpirma naman ng Makabayan Bloc na nakikipag-usap na sila sa ibang grupo para makabuo ng tunay na Minorya sa Kamara at hindi umiral ang company union sa House of Representatives.

Sinabi ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio na malabo nilang makuha ang Minorya dahil sa 7 lamang sila kaya naman nakikipag-usap sila sa ibang paksyon para bumuo ng tunay na minorya.

Ngunit sa kanilang pag-uusap ay hindi magkakaroon ng basehan para sa koalisyon ay mananatili na lamang umanong independent ang Makabayan Bloc gaya ng dati.

Giniit ni Tinio ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tunay na oposisyon sa Kamara para maharang ang mga anti -people agenda ng Administrasyong Duterte pangunahin na ang Cha-cha at TRAIN 2.

 

MAGNIFICENT 7

Nanindigan naman ang Magnificent 7, na nag-abstain sa naganap na botohan noong Lunes na sila ang dapat na maging lehitimong minorya.

Ipinaliwanag ni Albay Rep Edcel Lagman na malinaw na nakasaad sa mga panuntunan na sa mga nag-abstain sa botohan dapat manggaling ang susunod na magiging minority leader.

Kabilang sa Magnificent 7 sina Lagman, Akbayan Rep Tom Villarin, Caloocan Rep Edgar Erice Magdalo Rep Gary Alejano, Ifugao Rep Teddy Baguilat, Northern Samar Rep Raul Daza at Capiz Reo Emmanuel Billones.

Kinumpirma ni Lagman na malaki ang posibilidad na siya ang ilaban ng Magnificent 7 para maging Minority Leader.

Dagdag pa ni Lagman na sa simula pa lamang ng 17th Congress ay sila na ang tunay na minorya sa Kamara.

 

LIBERAL PARTY BLOC

Sa pangunguna ni Marikina Rep Romero Quimbo iginiit nito na ang mambabatas sa ilalim ng Liebral Party ang siyang dapat na maging Minorya dahil sa sila ay pawang nag-abstain sa liderato ni Arroyo.

Sinabi naman Caloocan Rep Edgar Erice na hindi matatawag na minorya ang kampo ni dating Speaker Pantaleon Alvarez dahil sumusuporta ang mga ito sa agenda ng Pangulo bukod pa sa kabilang sila sa iisang partido na PDP-Laban.

Hinikayat ng mga LP congresmen si House Speaker Gloria Arroyo na huwag pumayag sa gusto ng kampo ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez na sila ang magiging minorya sa Kamara lalo ay magiging malaking kalokohan ang magiging sitwasyon dahil ang lider ng Kamara at ang mga namumuno sa minorya ay mula sa iisang partido na PDP-LABAN.

Sinabi ni Erice na saang bahagi ng mundo makakakita na ang majority at minority leaders ay nasa iisang political party.

Panawagan ni Erice kay Arroyo na bilang isang veteran parliamentarian at dating Pangulo ng bansa ay responsibilidad nitong protektahan ang tunay na mga nasa oposisyon. (Gail Mendoza)