Sino si Tanauan City Mayor Antonio Halili?

Sino si Tanauan City Mayor Antonio Halili?

July 2, 2018 @ 2:49 PM 4 years ago


Manila, Philippines – Naging maingay ang umaga ng bansa sa pagkakapaslang sa tinaguriang ‘Walk of Shame’ na alkalde ng Tanauan City, Batangas habang flag ceremony kaninang umaga.

Nakilala si Tanauan City Mayor Antonio Halili sa mga polisiya nito na sumusuporta sa ‘war on drugs’ ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Bago mahalal si Halili noong 2013, isa siyang kilalang negosyante sa lalawigan dahil sa mga bingo parlors at mga testing center nito.

Ito na ang ikalawang termino ni Halili bilang alkalde ng Tanauan City kung saan humarap din ito sa iba’t ibang kontrobersiya gaya ng pagkakasama ng pangalan nito sa narcolist noong 2016.

Pero ipinangtanggol ng alkalde ang sarili at sinabing tina-target lang siya ng iba pang mga drug personalities na naapektuhan ng kanyang kampanya kontra iligal na droga.

“Kapag drug lord at drug pusher ang pumunta sa akin, magpapatayan kami. Pero tandaan n’yo, ‘pag pulis ang pumasok sa akin hindi po ako lalaban,” sinabi ni Halili sa isang panayam noong Oktubre 2016.

Kasunod nito pinatunayan niya na buo ang kanyang suporta sa kampanya kontra iligal na droga at kriminalidad ng administrasyong Duterte.

Isa na rito ang kanyang kampanyang “Walk of Shame” kung saan ipinaparada niya ang mga nahuhuling drug pusher at user at iba pang mga criminal sa mga pangunahing lansangan ng siyudad habang may nakasukbit na karatula sa kanilang mga leeg na nagsasabi ng kanilang kasalanan.

Dahil dito, tinawag siya ng iba na ‘Duterte ng Batangas’.

Minsan nang tinira ng Commission on Human Rights ang ganitong radikal na polisiya ng alkalde at sinabing unconstitutional ito.

Kaya naman kalaunan ay pinalitan niya ng “Walk of Change” ang dating “Walk of Shame” kung saan tinulungan niya ang mga drug dependents o user na sumailalim sa rehabilitasyon.

Sa ngayon ay mayroon nang 200 mga drug dependent ang nabago sa nasabing ‘Walk of Change’ ni Halili at tumutulong na rin sa lipunan. (Remate News Team)