SINONG DAPAT SISIHIN SA NAIA SHUTDOWN?

SINONG DAPAT SISIHIN SA NAIA SHUTDOWN?

January 5, 2023 @ 1:30 PM 1 month ago


KAHIT maraming taon ang lumipas, maaalala pa rin ang unang araw ng Enero 2023 dahil 56,000 pasahero ng eroplano ang na-stranded dulot ng kanselasyon ng mahigit 260 international at domestic flights na hindi magawang makaalis o maka-landing sa Maynila.

Humingi na ng paumanhin ang Manila International Airport Authority l sa nangyaring “technical glitch,” na ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines  ay nagdulot ng aberya sa kanilang air traffic control system.

Pero walang sorry, gaano man kaperpekto ang pagkakalahad, ang sasapat para sa libu-libong naperhuwisyong biyahero, kabilang ang pami-pamilyang hindi nakasipot sa reunions at mga empleyadong nabigong magbalik-trabaho.

Nakababahala rin na kahit pa ilang ulit mag-sorry, hindi na mabubura pa ang masamang impresyong idinulot ng insidenteng ito sa air transport industry ng bansa o ang grabeng epekto nito sa ating ekonomiya, partikular na sa sektor ng turismo.

*        *        *

Tama si Sen. Grace Poe nang ipinunto niyang ang nangyari ay maituturing na problema sa pambansang seguridad. Isang seryosong suliranin kaya naman nakakasa na ngayon ang isang congressional inquiry upang matukoy kung paano at bakit nangyari ito.

Naniniwala naman si Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, na hindi ito kaso ng force majeure — isang hindi matatantiya kaya hindi rin maiiwasang pangyayari. At tama rin siya.

Matatandaang isang katulad na insidente ang nagbunsod upang mapilitang itigil pansamantala ang mga biyahe sa pangunahing paliparan ng bansa noong Setyembre. Nangako noon ang mga opisyal ng CAAP na hindi na mauulit ang insidente, pero nangyari na naman, at mas matindi ang perhuwisyo sa pagkakataong ito.

Hindi maaaring palampasin o hayaang magpaulit-ulit na lang ang kapabayaang ito.

Kapag ganitong may aberya sa hindi inaasahang pagsalubong sa 2023, napapaisip ako kung itutuloy pa rin kaya nina President Bongbong Marcos at Vice President Sara  Duterte ang pagsasakatuparan ng kanilang New Year’s resolutions “na magkaroon ng mas mahabang tulog.”

*        *        *

Martes ng gabi nang dumating si President Marcos sa Beijing para sa isang state visit, na lubhang napakahalaga para sa iba’t ibang usaping kailangang talakayin sa China, partikular na sa agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea.

Pero isang araw bago ang kanyang biyahe, nai-imagine ko na diskumpiyado ang mga opisyal ng China kung kakayanin bang makalipad ng eroplano ni Marcos ayon sa na-schedule na biyahe. Siyempre naman, kaya. Pero ang pag-aalinlangang ito ay posibleng nagdulot ng patawang ngisi para sa matataas na opisyal sa Mainland.

Ganyan katindi ang magiging epekto sa reputasyon ng Pilipinas at sa mga namumuno sa atin ng malawakang airport shutdown. Baka nga magsilbi pa itong puntos para kay Marcos sa paghaharap nila ni Xi Jinping, na lehitimong inaangkin ang titulo bilang pinakamakapangyarihang tao sa Asya.

Sa mundo ni Robert Ludlum, na siksik sa conspiracy theories, ang nangyaring New Year shutdown sa NAIA ay maaaring sekretong pagkilos ng China para kumbinsihin ang ating bumibisitang Pangulo sa gagawing negosasyon; at ang insidente noong Setyembre ay isa lamang dry-run. Pero para lang sa kathang nobela ang mga iyon, tama ba?”

*        *        *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.