SINONG NAGSABI NA HINDI TOTOO ANG COVID?  

SINONG NAGSABI NA HINDI TOTOO ANG COVID?  

April 8, 2021 @ 12:48 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

MAHALAGA  para sa akin ang Easter dahil sa Magandang Balitang hatid nito – ang Muling Pagkabuhay ni Hesukristo, na nagsisilbing sandigan sa katotohanan ng ating pananampalataya. Habang ito ang nasa isip, nagulantang ako sa mga kasinungalingan at maling balitang kumalat sa social media nitong Easter Week.

Ang una ay galing sa isang physical therapist, na “Dr. Ron” ang pagpapakilala sa kanyang mga vlog, na iginiit na hindi totoo ang panganib na dala ng COVID-19 at hinihimok ang publiko na huwag seryosohin ang tungkol sa bakuna at ang pagsunod sa health at safety protocols na ipinatutupad ng gobyerno.

Binansagan siyang “COVID denier” ng mga pinakarespetadong propesyunal sa larangan ng medisina.

At kamakailan lang, kinondena ng mismong Philippine Physical Therapy Association, Inc. si Dr. Ron at binigyang-diin na ang kanyang mga pinaniniwalaan ay “malinaw na walang basehan at walang halaga sa mundo ng medisina.”

Wala akong impormasyon kung nagbigay na ng reaksyon dito ang Professional Regulation Commission, pero dapat aksyunan nila ito.

Ang isa pang nakapanlulumong tagapagpakalat ng kasinungalingan ay si Interior and Local Government Undersecretary Epimaco Densing III, na nagtangkang iangat ang imahe ng gobyerno sa pagtugon sa krisis pangkalusugan na ito sa pagsasabi sa mga kritiko na higit na epektibo ang pagtugon ng Pilipinas sa pandemya kumpara sa ibang mga bansa.

Sakaling kuwestiyunin, isa itong balitang walang pinagbatayan.

Kaya naman nang punahin siya ni Vice President Leni Robredo, nangatwiran si Densing na ang pandemya ay “isang problemang walang solusyon.” Hindi ba’t malinaw na kinontra niya ang una niyang sinabi?

Tumanggi ang DILG na panindigan ang parehong pahayag na ito ni Densing at sinabing ang mga iyon ay personal na opinyon lang ng undersecretary.

Ang nakadidismaya para sa isang tulad kong mamamahayag ay kung bakit may ilang Filipino ang naniniwala sa mga kasinungalingang ito kaya nagawa pa nilang ipakalat at pagpasa-pasahan ang mga ito na parang coronavirus.

Napaisip tuloy ako kung ano ba ang pagkakaunawa ng publiko sa media sa kasalukuyan.

At nangangamba akong ang maging sagot sa katanungan kong ito ay mas nakapanlulumo pa.

*              *              *

Naninindigan ang mga mamamahayag sa pagsasabi ng katotohanan, pahalagahan man ito o hindi. Ang mabusising prosesong ginagawa namin upang makumpleto ang balitang aming inilalathala ay nangangailangan ng sangkatutak na pagsisikap.

Laging tungkol sa istorya, hindi tungkol sa aming sarili, ang tanging iniisip namin, kaya maraming mamamahayag ang nasa frontlines, hinaharap ang lahat ng panganib magawa lamang ang kanilang trabaho.

Ang katotohanan dito, naniniwala akong dapat na nasa listahan ng mga prayoridad na mabakunahan ang mga lehitimong miyembro ng media.

Habang binibigyan natin ng halaga ang pagiging bayani ng medical professionals at iba pang lingkod-bayan na matapang na hinaharap ang pandemya, hindi rin nagmamaliw ang serbisyo ng mga mamamahayag upang mabigyan ang publiko ng kinakailangang kaalaman, ginagabayan ang lahat upang mapagtagumpayan ang pandemya.

At ang isa pang katotohanan, kaming mga nasa media ang madalas na nalalantad sa virus kahit na walang garantisadong proteksyon.

Bitbit pa rin namin ang aming mga dati nang gamit bago pa man magkaroon ng pandemya – panulat at papel, laptop, camera, videocam, recorder at lakas ng loob.

Nakalulungkot lang na ang aming mga katawan ay hindi gawa sa bakal na hindi tatagusan ng hindi nakikitang kaaway na ito.

Hindi na kataka-takang kung bakit hindi nababalita ang mga kasamahan namin sa media, kahit pa marami na sa kanila ang nabiktima ng COVID-19.

Marahil walang sinoman sa amin ang gagawa ng vlog tungkol dito. At kapag amin nang napagtagumpayan, balik-studio na uli kami kinabukasan, tutok na naman sa beat, abala nang muli sa newsroom habang tumitipa ng istorya.

Hindi ito tungkol sa pagpapaulan ng papuri sa mga mamamahayag kundi pagbabahagi ng katotohanan na mayroong TV newsrooms kung saan dose-dosena ang dinapuan ng COVID-19 at hindi lahat sila ay nakababalik sa trabaho.

Mayroong mag-amang photographer ang magkasunod na pumanaw dahil sa sakit na ito.

Nariyan ang mga anchor na hindi na nakapagbabalita habang nasa ilang linggong isolation.

Kaibigan ko ang dalawang editor-in-chief na parehong tinamaan ng COVID-19. Ang isa sa kanila ay si dating Press Secretary Crispulo J. Icban Jr., na sa edad na 85 ay gumaling sa virus pero iginupo ng pneumonia na idinulot nito sa kanya.

Pinagsilbihan niya ang Manila Bulletin sa loob ng 47 taon at nagtangka pa ngang isulat ang editorial ng pahayagan habang nakaratay siya sa ICU.

Ang lahat ng mga taong ito ay nabubuhay at namamatay sa paghahatid ng balita – mga istorya ng katotohanan na sinumpaan naming ilalahad.

Kaya, pakiusap naman, huwag ninyong ipakalat at pagpasa-pasahan ang mga walang katotohanang ideya ng iba na nagsasabing hindi totoo ang pandemyang ito.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.


  •  
  •  
  •