SINONG NAGSUSURI SA SURVEYS?

SINONG NAGSUSURI SA SURVEYS?

December 8, 2022 @ 2:09 AM 2 months ago


NABASA n’yo ba ang artikulo tungkol sa isang umano’y nationwide survey na ginawa ng RP-Mission and Development Foundation, Inc. o RPMD? Ayon sa survey, sina President Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte- Carpio ay parehong may trust rating na 87 percent at performance approval na 83 percent at 81 percent, ayon sa pagkakasunod.

Ayon sa RPMD, ginawa raw nito ang “Boses ng Bayan” poll nitong Nobyembre 27 hanggang Disyembre 2, gamit ang face-to-face interviews sa 5,000 adult respondents. Dagdag pa nito, ang non-commissioned survey ay may margin of error na +/- one percent.

Wow, ang baguhang polling firm na ito ay umaaktong daig pa ang statistical accuracy ng mga respetado at beterano nang counterparts nito – ang Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS), na ang mga surveys ay karaniwan nang may margin of error na +/- two percent.

Sa totoo lang, kung hindi lang inilabas ng mga lehitimong pahayagan ang artikulong ito, aakalain kong ito ay fake news. Ito palang RPMD ay 11 taon na, pero ang opisyal na website nito ay walang tabs sa kasaysayan o proseso ng organisasyon sa pagkalap ng estadistika.

Ayaw ko namang magmukhang kontrabida, pero sa panahon ngayong laganap ang pagkalat ng mali at pinekeng impormasyon, kukuwestiyunin ko ang katotohanan sa likod ng resultang ito ng survey, igigiit ang mas detalyadong paliwanag sa paraan nila ng pagsasarbey at ang mga kalakip na datos ng kanilang poll, tulad ng porsiyento ng mga sinarbey na sumagot ng negatibo o hindi makapagpasya, o ang mga lugar kung saan nanggaling ang  poll respondents.

*        *        *

Noong nakaraang linggo, hindi bababa sa 1,000 bags ng puslit na sibuyas, na nagkakahalaga ng P1.7 milyon ang nakumpiska sa multi-agency operation na pinangunahan ng Bureau of Customs  sa Maynila.

Ayon sa  customs insiders, ang mga kumpiskadong sibuyas ay ibibigay sa Department of Agriculture, na magbebenta naman nito sa mga Kadiwa ng Pasko stores sa presyong P120 bawat kilo.

Ngayong dumadaing ang mga mamimiling Pilipino sa napakataas na presyo ng produktong agrikultural na ito – na umaabot ng hanggang P320 bawat kilo sa pulang sibuyas sa Metro Manila – ito ay isang magandang balita.

Imumungkahi ko na rin sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, na pinaigting ang pagpapatupad nito ng Fisheries Administrative Order  No. 195 Series of 1999, na tutukan ang pagkumpiska sa mga iligal na inangkat na Pampano at pink Salmon na nasa mga storage facilities sa Navotas. Sumunod na rin dapat ang DA at BOC at ibenta sa murang halaga ang mga nasamsam nilang mga isda. Anong masasabi mo, BFAR Officer-in-Charge Demosthenes Escoto?

*        *        *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.