Sinopharm vax na gawang Wuhan, maituturok na sa bansa – FDA

Sinopharm vax na gawang Wuhan, maituturok na sa bansa – FDA

August 25, 2021 @ 10:47 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Binigyan na ng Food and Drug Administration o FDA ng emergency use authorization ang COVID-19 vaccine ng Sinopharm na gawang Wuhan.

Paglilinaw ni FDA Director-General Rolando Enrique Domingo, may dalawa kasing pasilidad ang China National Pharmaceutical Group na siyang gumagawa ng Sinopharm COVID-19 vaccine, isa sa Beijing at isa sa Wuhan.

“Ang Sinopharm po kasi na gawa sa China—it’s the same vaccine pero may dalawa po siyang factory sa China,” paliwanag ni Domingo.

Matatandaang nabigyan rin ng EUA ang Sinopharm noong buwan ng Hunyo kung saan ito umano ay nagmula naman sa laboratoryo mula sa Beijing.

“Ang Sinopharm-Wuhan ay nabigyan na rin po ng emergency use authorization ng FDA nitong Aug. 19. So, may isang kumpanya na authorized mag distribute ng Sinopharm-Wuhan, so maari po itong bilhan ng ating pamahalaan,” dagdag pa ni Domingo.

Sa ngayon, ang COVID-19 vaccine na Sinopharm-Beijing at Sinopharm-Wuhan ay pareho nang pwedeng gamitin sa bansa. RNT