SINTOMAS AT PAGSUMPONG NG ALLERGY

SINTOMAS AT PAGSUMPONG NG ALLERGY

July 15, 2022 @ 7:22 PM 4 weeks ago


KAMAKAILAN ay ginunita natin ang “National Allergy Day” sa ating bansa sa bisa ng Presidential Proclamation No. 1313 simula pa noong taong 2007 sa pangunguna ng DOH o ang Department of Health at ng Philippine Society of Allergy, Asthma and Immunology.

Ang allergy ay isang kondisyong medikal sangkot ang reaksiyon ng ating immune system sa allergen na maaaring mula sa buhok ng tao at hayop gaya ng aso, pusa o ibon, alikabok, pagkain, ilang gamot, halaman, bakterya, o kagat ng insekto.

Klasipikado sa tatlong uri ang mga sintomas ng allergy, ito ang mild, moderate at severe. Kabilang sa mild allergy symptoms ang pangangati, pamamaga ng mata, rashes, face bumps, pagbahing, at pagbabara ng ilong.

Moderate allergy naman ang pagkalat ng pangangati sa maraming bahagi ng katawan, medyo hirap na paghinga, pananakit ng tiyan at sikmura, at pagtatae. At severe allergy na kapag nagkakaroon ng asthma attack at anaphylaxis na nalalagay sa peligro ang buhay.

Sinasabi ng mga eksperto, na hereditary at ilang environmental factors ang nagdudulot ng allergy. Sa isang pag-aaral, lumalabas na ang isang identical twins ay 70% na parehong bagay ang dahilan ng kanilang allergy, at ang isang magulang na may allergy ay nakukuha rin ng kanilang anak.

Ang matinding polusyon din ay may kinalaman sa pagsumpong ng allergy lalo na sa hangin. Dito sa Metro Manila, batay sa DENR o Department of Environment and Natural Resources, may 163 micrograms ang TSP o ang Total Suspended Particles sa himpapawirin ng kalakhang Maynila dala ng mga sasakyan gaya ng buses, jeepneys at tricycles.

May isang pag-aaral na isinagawa ang International Study of Allergic and Asthma in Children na nagpapakita na ang mga batang Pilipino na may edad na 13 hanggang 14 ay isa sa may mataas na nagtataglay ng allergy sa buong Asya kumpara sa mga bata sa Thailand, Indonesia at South Korea.

Wala talagang eksaktong gamot para mawala ang allergy ngunit puwede itong mapigilan at hindi na lumalala pa. Unang hakbang diyan ang pag-alam sa mga dahilan ng iyong allergy at pag-iwas sa mga ito lalo na kung pagkain, gamot, halaman o bulaklak, o anopaman.

Ang pag-inom ng maraming tubig at fruit juices maliban sa citrus, pagkain ng gulay maliban sa patatas at mais, regular na pagkain ng brown rice, white fish, almonds, walnuts at sunflower seeds ay nakakabawas ng allergy.

Umiiwas din sa pagkakaroon ng sobrang stress at malaking tulong ang pagtataglay ng Vitamin C, A, E at Zinc sa ating katawan upang mabawasan ang pag-atake ng allergy na puwedeng maglagay sa panganib sa buhay mo.