Sirit-presyo sa karneng baboy malabo sa Pasko

Sirit-presyo sa karneng baboy malabo sa Pasko

December 6, 2022 @ 8:38 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na maliit ang posibilidad ng taas-presyo ng karne ng baboy sa darating na Christmas holiday, dahil sapat ang suplay nito.

“Sa ngayon, wala pa tayong nakikitang pagtaas ng karne ng baboy, kasi marami nga, kahit frozen. Kaso hindi ‘yan ‘yung preference ng ating mga kababayan. Iyong bagong katay ang preference nila,” ani DA Deputy spokesperson Rex Estoperez.

Sinabi ni Estoperez na kahit tumaas ang presyo ng baboy, magiging minimal ito.

“Ayaw naming mag-speculate pagdating ng kapaskuhan. Medyo konting pagtaas pero hindi naman sana ‘yung pagtaas na masyadong malaki,” aniya pa.

“Iyong karne po natin, ‘yung baboy po, ang supply po nito ay sobrang dami po niyan… Mababa ang farmgate price, pero pagdating sa pamilihan, mayroon po tayong binabayaran na transport cost. Iyong ating mga namumuhunan dito, may mga incidental expenses. So idagdag lang nila. Pero kung sa supply, sobra-sobra ang supply ng baboy ayon din ‘yun sa mga kasama natin sa industriya,” ayon pa sa opisyal.

Samantala, ang mga presyo ng frozen na baboy ay nanatiling mas mababa kaysa sa mga bagong kinatay.

Sa Metro Manila, ang umiiral na presyo para sa frozen na karne noong Lunes ay mula PHP265/kilogram (kg) hanggang PHP300/kg ng pork liempo, mas mababa kaysa sa sariwang pork liempo na presyo mula PHP290/kg hanggang PHP390.

Ang umiiral na mga presyo ng frozen pork kasim o pigue ay mula PHP210/kg hanggang PHP260/kg, mas abot-kaya kaysa sariwang baboy na nasa PHP260/kg hanggang PHP360/kg.

Ang pinakamababang presyo ng karne ng baboy sa National Capital Region ay sa Marikina market, Commonwealth Market at Mega Q-mart sa Quezon City. RNT