Sisibakin na si Bello

Sisibakin na si Bello

August 6, 2018 @ 6:35 AM 5 years ago


 

 

Manila, Philippines – Hindi naging Ombudsman si Labor Sec. Silvestre Bello III.

Hindi siya ang pinili ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte, kundi si Supreme Court Associate Justice Samuel Martinez.

Nang mag-apply si Bello sa pagka-Ombudsman ay biglang may nagreklamo laban sa kanya sa Presidential Anti-Corruption Commission.

Sinimulan na ng PACC ang imbestigasyon laban kay Bello. Ang balita ko, si Bello ang manok ni Duterte sa Ombudsman, kaya sinabihan daw ng Pangulo si Bello na mag-apply ito sa pagka-Ombudsman.

Kaso, biglang nagbago ang ihip ng hangin nang pumutok ang isyu ng katiwalian at ko­rap­syon laban kay Bello.

Kaya, hindi itinuloy ni Duterte ang pagpili sa kanya. Isa pa, laglag sa shortlist ng Judicial and Bar Council si Bello.

Ngayon, nanawagan ang Lilac Center for Public Interest kay Duterte na tanggalin na si Bello sa Department of Labor and Employment.

Kapag sumama pa ang ibang organisasyon ng mga manggagawa sa panawagan ng pagpapatalsik kay Bello, baka maobliga si Duterte na sibakin siya sa DOLE.

Kung ako man ay lider ng organisasyon ng mga manggagawa ay hindi lang ako lalahok sa pagpapatalsik kay Bello, kundi pangungunahan ko pa ito sapagkat kumbinsidong-kumbinsido ako na si­mu­la’t simula ay kontra-manggagawa si Bello.

Simula’t simula hindi na­ging tapat at seryoso si Bello na ipaglaban at isulong ang interes at kapakanan ng uring manggagawa.

Ang totoo, kakampi ng mga kapitalista si Bello.

KABAHAGI CENTER SA QUEZON CITY

Binuksan na ang Kabahagi Center para sa mga batang may disabilities nitong Hulyo 24 sa Batasan Hills sa Quezon City.

Pinangunahan ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ang nasabing proyekto.

Sabi ni Belmonte, “This is not just a building that we’re inaugurating, it’s actually a program.

“The building is just there para maging totoo ang aming pangarap na mabigyan ng sapat na programa ang atin pong mga children with disabilities.”

Layunin ng KABAHAGI Center na “for a more inclusive society, where all children regardless of ability can maximize their full potential.”

Idiniin pa ni Belmonte na “mayroon po kaming pangarap na maging child-friendly ang Quezon City, pero hindi po ito matutupad kung ang atin pong mga kabataan na may kapansanan ay hindi po natin mabibigyan ng sapat na interventions.”

– BADILLA NGAYON NI NELSON BADILLA