Manila, Philippines – Inihayag ng Department of Justice (DOJ) na inatasan nito ang National Bureau of Investigation (NBI) na silipin ang anggulong posibleng may kaugnayan ang “broad daylight attacks” kina Mayor Tony Halili, Mayor Ferdinand Bote at Vice Mayor Alexander Lubigan.
Sina Mayor Halili ng Tanauan, Batangas, Mayor Bote ng Gen. Tinio, Nueva Ecija at Trece Martires Vice Mayor Alexander Lubigan ng Cavite ay pawang binaril ng mga hindi pa kilalang suspek sa mga pampublikong lugar.
Ilang araw lang ang pagitan nang mangyari ang magkakahiwalay na krimen.
“There’s another ambush, this time the vice mayor of Trece Martires City was the target. [I have instructed Director Dante Gierran to] include this in the NBI’s ongoing investigation and determine if there’s a pattern or the incidents were unrelated,” sabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra.
Nais ni Guevarra na magkaroon agad ng resulta ang gagawing pagsisiyasat ng NBI.
Si Lubigan ang pinagbabaril at napatay habang sakay sa kanyang sports utility vehicle habang paalis sa isang ospital sa Trece Martires nitong Sabado.
Sakay din si Bote sa kanyang sasakyan nang lapitan at pagbabarilin ng gunman na nakasuot ng hooded jacket noong Martes.
Binaril naman ng hinihinalang sniper si Mayor Halili sa gitna ng flag raising ceremony sa city hall noong Lunes. NATS TABOY