Sister Fox, nagalak sa suportang binibigay ng Simbahan

Sister Fox, nagalak sa suportang binibigay ng Simbahan

July 24, 2018 @ 2:02 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Nagpahayag ng labis na katuwaan at pasasalamat ang dayuhang misyunerong madre na si Sister Patricia Fox, NDS, sa suportang ipinakikita sa kanya ng mga lider ng Simbahang Katoliko sa bansa, kaugnay sa kinakaharap niyang deportasyon.

Ayon sa 71-anyos na si Sr. Fox, coordinator ng Notre Dame de Sion sa Pilipinas, nagpapalakas ng kalooban ang suportang ipinakikita ng mga Obispo at maging ng sambayanan sa kaniyang pinagdadaanan lalo’t ito ay dahil sa kaniyang pagtupad sa tungkulin bilang Misyonero ng Simbahan na kalingain ang mga nangangailangan at walang boses sa lipunan.

“Siyempre nagpasalamat ako sa Statements ng mga Obispo at sa kanilang suporta kasi para sa akin siyempre tayo lahat may mga mistakes pero subukan ko sumunod sa yapak ng Panginoon kaya mahalagang kinilala ng mga Obispo (Pagmimisyon) kasi yun ang layunin ko.” pahayag ni Sr. Fox, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Muli ring nanindigan ang madre na tulad ni Hesus ay handa siyang makararanas ng pang-uusig dulot ng mga adbokasiyang itaguyod ang karapatan ng mga mamamayan partikular na ang mga katutubo na kadalasang nabibiktima ng kawalang katarungan sa lipunan.

Ayon sa dayuhang madre, napamahal sa kanya ang Pilipinas dahil buong puso siyang tinanggap ng mga Filipino lalo na ng mga katutubo sa kabila ng pagkakaiba ng kultura at nakasanayan.

Nagpahayag rin ng pagsuporta at pakikiisa si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa madre lalo’t malaki ang naiambag ni Sr. Fox sa mga mamamayan sa bansa na maisulong ang kanilang mga karapatan.

Matatandaang noong Abril 16, ay inanyayahan ang Madre sa tanggapan ng Bureau of Immigration (BI) upang sagutin ang alegasyong nakikisangkot ito sa mga pagkilos laban sa Pamahalaan na isang paglabag sa Batas ng Pilipinas.

Itinanggi ni Sr. Fox ang alegasyon at nanindigan itong bahagi ng kaniyang pagmimisyon ang pagtulong sa mga mamamayang nakararanas ng kawalang katarungan at mga naaabuso ang karapatang pantao.

Noong Hunyo 18 ay kinatigan ng Department of Justice (DOJ) ang apela ng Madre na salungatin ang naunang desisyon ng BI na paalisin ito sa bansa ngunit nitong Hulyo 19 lamang ay muling ipinag-uutos ng BI ang deportasyon matapos lumabas sa imbestigasyon na lumabag ito sa mga limitasyon at kondisyon sa ilalim ng Commonwealth Act 613, Section 9 o ang Missionary Visa at idenekalarang Undesirable Alien sa ilalim ng Article 2711, Section 69 ng Saligang Batas.

Sa kabila nito, umaasa naman si Sr. Fox, na mapapalawig pa ang kaniyang pananatili sa bansa.

Nag-iwan rin siya ng mensahe para sa pangulo, “Para sa Pangulo ay magkaroon siya ng plano paano makamit ang kapayapan, (at) paano uunlad ang kabuhayan ng lahat ng mga Filipino.” (Macs Borja)