SITG BINALEWALA NG TINAMBANGANG MAYOR

SITG BINALEWALA NG TINAMBANGANG MAYOR

April 5, 2022 @ 8:18 PM 3 months ago


POSIBLENG mauwi sa wala ang binuong Special Investigation Task Group (SITG) ng pulisya na nag-iimbestiga upang resolbahin ang bigong pananambang kay Infanta,  Quezon Mayor Filipina Grace America noong February 27, 2022, makaraang hindi nakipagtulungan ito at sa halip ay direktang nagsampa ng kaso laban sa kanyang mga katunggali sa pulitika.

Matatandaang mabilis na binuo ng pulisya ang SITG, alinsunod sa direktiba ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos kay CALABARZON Police Director B/Gen. Antonio Yarra, isang araw makalipas ang pananambang kay America sa poblacion ng nasabing bayan ilang sandali matapos nitong magsimba, kasama ang isang staff at driver.

Sugatan pero nakaligtas sa kamatayan si America at hindi naman nasugatan ang dalawa nitong kasama.

Ilang araw matapos makalabas sa ospital, ang alkalde ay nagsalita sa media at nagsabing pulitika ang dahilan sa likod ng bigong pagpatay sa kanya.

At ilang araw matapos magbalik sa munisipyo, ipinagharap ni America ng kasong frustrated murder ang katunggali niyang si mayoral candidate Eriberto “Ebit” Escueta, incumbent Vice Mayor Lord Arnel Ruanto, Bobby Vargas, Ronil Nolledo, Jorraffin Plantilla at Gilbert Pacio.

Sa kanyang salaysay, inaku-sahan ng alkalde sina Escueta at Ruanto bilang mga mastermind sa pananambang.

Una rito, napag- alaman sa ¬†police sources na sa pag- iimbestiga ng SITG, na binubuo ng iba’t ibang police unit at pinamumunuan ni¬† Quezon Police chief Col. Joel Villanueva, identified na ang ilang suspect sa pananambang, kabilang na ang mismong gunman gayundin ang motibo ng mga ito.

Lumalabas umanong hindi pulitika kundi quarry operation at sugal ang pangunahing ugat ng pananambang.

Gayunman, ang kaso ay hindi pa naisasampa ng SITG sa piskalya dahil tumanggi umanong magbigay ng kanyang salaysay si America, bagay na naging palaisipan sa una.

Bago pa man nagsampa ng reklamo ang alkalde, pinaninindigan nito na politically motivated ang pananambang sa kanya bagama’t hindi ito ang lumalabas sa pagsisiyasat ng SITG.

Marami ang naniniwala na ang kaso ay ginagamit lamang ni Quezon Governor Danilo Suarez upang sirain ang imahe ng kanyang katunggali sa pulitika.

Ito ay sa dahilang sina Escueta at Ruanto ay kapartido at masugid na tagapagtaguyod ng kanyang katunggali sa walong bayan ng Northern Quezon na kinabibilangan ng tatlong coastal towns at limang island municipalities.

Dahil sa ginawang hakbang ni America, posibleng mabalewala ang pagod, malaking gastos at mahabang panahon na ginugol sa pag-i-imbestiga ng SITG na binubuo ng Infanta Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit, Quezon Police Provincial Office, Regional Intelligence Division, Criminal Investigation and Detection Office, Highway Patrol Group, Quezon Maritime Police Office, Provincial Crime Laboratory Office at Quezon Provincial Mobile Force Company.