SITIO QUARRY SA INDANG NANANAWAGAN NG TULONG

SITIO QUARRY SA INDANG NANANAWAGAN NG TULONG

December 2, 2022 @ 11:17 AM 2 months ago


TAONG 2003 nakabili ng lupa ang ilang mga taga-Indang at dayo sa lupa na bahagi ng Sitio Quarry, Brgy. Bancod, Indang, Cavite sa developer na Cavite Habitat Foundation Inc. ni Mr. Facundo Dardo, Sr. mula sa lupa ng angkan ni Mr. Roberto Espineli.

Noong una ay okay naman at walang problema sa nasa P19.3 milyon na ang hulog o naibayad ng mga residente, datapwa’t namatay si Dardo, Sr. na hindi pa tapos magbayad sa mga Espineli. Nagkasuhan sa korte ang mga Espineli at CAHAFI ngunit hindi naman kasama noon sa kaso ang mga residente o Cahafi Internal, House and Lot Owner’s Association, Inc o mas kilala sa tawag na Cahafi Sitio Quarry Homeowners Association (CSQHA), Inc. Sa desisyon ng korte ay napabalik sa mga Espineli ang titulo at pagmamay-ari.

Isang bagong developer ang pumasok, ang Community Housing and People Ecology Development Foundation Inc. at ang lugar ay nakilala na sa pangalang Espineli Eco-Park Village. Subali’t makalipas ang ilang taon, ayon sa mga residente nang lumaon ay hindi rin nakapuno ang COMHPED sa kanilang kasunduan ng mga Espineli.

Kaya naman ayon pa sa salaysay ng mga residente, naibenta naman umano ngayon sa mga Chinese ang lupa nila dahil nakita nila mismo kamakailan na mga Chinese ang bumisita sa lugar nila.

Muling ipina-revive ang ownership sa Regional Trial Court Branch 15 sa Naic, Cavite sa Civil Case No. NC-2011-2048 For: Rescission of Contract, Recovery of Possession, Delivery or Return of Title with Damages, Roberto Y. Espineli, Et. Al.., (Plaintiffs) -versus- Cavite Habitat Foundation Inc. and/or Facundo G. Dardo Jr. and any or all persons or entities claiming rights under them, (Defendants), at nito ngang October 5, 2022 sa sala ni Judge Lerio C. Castigador ay lumabas na ang Motion for Issuance of Writ of Demolition is GRANTED.

Ngayon ay nananawagan na ang mga residente ng tulong sa pamahalaan, sa mga lingkod-bayan at sa simbahan na sila ay bigyang-pansin.

Sa isang video na lumabas sa social media ng isa sa mga kamag-anak ng residente doon ay mapapanood na binanggit nila ang panawagan sa kapitan ng Pamahalaan Barangay ng Bancod, sa mayor ng Pamahalaang Bayan ng Indang, sa Gobernador ng Pamahalaang Panglalawigan ng Cavite.

Nananawagan din sila sa Ministri ng Pagkalinga ng Saint Gregory the Great Parish sa Indang, sa mga representante ng Makabayan Bloc sa Kongreso, maging kay DOJ Secretary Boying Remulla, Vice President Sara Duterte at President Bongbong Marcos na sila ay matulungan.

Silang mga nakabili ng lupa sa lugar ay humihingi ng tulong na maiayos laban sa banta ng demolisyon o kaya ay mabigyan ng relokasyon dahil hindi naman sila mga squatter at binili nila ang bawat lote.