Sitwasyon sa Ayungin Shoal ‘calm and normal’- Lorenzana

Sitwasyon sa Ayungin Shoal ‘calm and normal’- Lorenzana

November 25, 2021 @ 6:34 PM 3 days ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana nitong Huwebes na balik na sa “calm and normal” ang sitwasyon sa Ayungin Shoal sa gitna ng mga banta kamakailan ng Chinese Coast Guard vessels.

“The resupply boats left Sierra Madre the same day after unloading their cargoes and personnel. They also brought out personnel going home on R&R (rest and recuperation),” pahayag ni Lorenzana.

“As of now situation there is calm and normal,” dagdag pa niya.

Ang Ayungin Shoal, na kilala rin bilang Second Thomas Shoal, ay nasa 174 nautical miles mula sa Puerto Princesa City, Palawan. Isa ito sa mga siyam na lugar na binabantayan ng Pilipinong militar sa West Philippine Sea.

Matatandaang noong isang linggo ay iniulat ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na dalawang bangka ng Pilipinas na may resupply mission patungo sa Ayungin Shoal ang hinarang at binomba ng water cannon ng Chinese Coast Guard vessels.

Samantala, iginiit naman ng China na alisin ng Pilipinas ang BRP Sierra Madre sa shoal isang araw matapos makumpleto ng mga sundalong Pilipino ang resupply mission.

Nanindigan si Lorenzana sa sovereign rights ng Pilipinas sa Ayungin Shoal, na saklaw ng Philippines’ exclusive economic zone. RNT/SA