SIYENSYA SA PINAS:100  O 200 TAONG ATRASADO

SIYENSYA SA PINAS:100  O 200 TAONG ATRASADO

October 18, 2022 @ 4:59 PM 2 months ago


NAPAKAGANDANG malaman na dinidiinan ni Pangulong Bongbong Marcos ang kahalagahan ng siyensya laban sa mga hindi magagandang nangyayari at para rin sa pagbabago at pag-unlad ng buong bansa.

Ito kasi ang malaking susi para sa pagbabago natin sa hinaharap.

Sa ngayon, napakaatrasado ang bansa sa siyensya sa kabila ng pagsasabi ng iba na world class ang mga siyentista natin.

Halimbawa, 1903 pa nang magpalipad ang magkapatid na Orville and Wilbur Wright kauna-unahang eroplano sa mundo.

Pero bago ito, may mga tumatakbo nang sasakyang de-makina makina noong mga  taong 1850.

At noong 1870’s, nagsimula namang gumamit ang mga bangka o barko ng mga makina sa paglalayag at huminto na sa paggamit ng layag.

Ang totoo, bago pa dumating ang paggamit ng mga makina para tumakbo ang mga sasakyang panlupa at pandagat at lumipad ang mga eroplano, may gumagamit na ng mga makina para sa barena, generator sa tubig at iba pa.

Ang malaking tanong sa Pinas: Nasaan na ba tayo sa mga usaping ito?

Mahigit 100, 200 taong atrasado ang Pinas?

Sa ngayon, hanggang kalabaw at kabayo pa rin tayo sa sasakyang panlupa, hanggang layag sa bangka at hanggang pagpapalipad lang ng saranggola.

Kung may tumatakbo man tayong sasakyan, naglalayag na barko at lumilipad na eroplano, pawang gawa ang mga ito ng mga dayuhan.

At nungka tayong nakagawa mula sa ating mga minahan ng bakal, aluminum at iba ng mga makinang gamit ng mga ito.

Alalahaning ang paggawa o pag-imbento ng mga makina ang pinakasusi ng industriyalisasyon ng bansa na kailangang-kailangan natin.

MGA SIYENTISTA NASAAN?

Kamakailan lamang, mga Bro, kinasalamuha mismo ni Pangulong Bongbong ang mga siyentista, partikular ang mga galing sa ibang mga bansa.

At inakay silang magkontribusyon ng kanilang mga nalalaman, kakayahan at abilidad para sa pagbabago at pag-unlad ng bansa.

Mula sa usaping pagkain, gamot, enerhiya, teknolohiya, imprastraktura at iba pa na roon sila maituturing na mga eksperto, hinikayat sila ng Pangulo na ituon ang kanilang atensyon para sa bansa, para sa mga mamamayang Pilipino.

Siyempre pa, naroroon din ang ilang siyentista at imbentor na hindi nangibang bansa at dito sa bansa naglililok ng kanilang mga kaalaman.

TULONG NG PAMAHALAAN

Hindi matatawaran ang tulong ng mga pribadong sektor gaya ng mga eskwela at negosyante sa pag-unlad ng siyensya sa Pinas.

Subalit pinakamalaking pwersa pa rin ang pamahalaan para sa pagtatanim o pagbuo ng mga kondisyon para umunlad ang siyensyang pambansa.

Naririyan na, halimbawa, ang mga naglipanang Philippine science schools para sa mga kabataan na unang itinatag noong 1963 ngunit pinalakas ito mismo ng tatang ni Pangulong Bongbong na si Apo Ferdie noong 1970’s sa pagtatatag ng noo’y malaking gusali sa 75,000 square meter na lote sa Agham Road in Diliman, Quezon City.

Naririyan na rin ang Department of Science and Techonology na nangunguna sa pag-imbento ng iba’t ibang bagay na kailangan ng bansa.

Upang maging tuloy-tuloy ang pag-unlad ng siyensya, dapat na ring pagkalooban ito ng karampatang pondo.