SK chairman, patay sa pamamaril

SK chairman, patay sa pamamaril

June 24, 2022 @ 4:30 PM 24 hours ago


BUTUAN CITY – Traydor na pinagbabaril-patay ang isang Sangguniang Kabataan (SK) chairman ng hindi pa kilalang suspek nitong Lunes sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Nelbert Gacosta, 27-anyos, at residente sa Purok 11, Lumbocan, Butuan City.

Batay sa report ng Butuan City Police Station-3, dakong alas-9:45 ng gabi naganap ang krimen sa Purok 7, Brgy. Masao, Butuan City.

Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, bago ang krimen may palaro ng basketball ang biktima sa naturang barangay.

Kuwento naman ng isang barangay tanod, nakita niyang may tumawag sa cellphone ng biktima at pagkatapos ay umalis ito.

Ilang minuto ang makalipas nakatanggap na lamang sila ng tawag na pinagbabaril ang biktima ng mga hindi pa kilalang suspek.

Ayon naman kay PMajor Dores Aguhob, nakitaan ng limang tama ng bala sa di-mabatid na kalibre na baril sa likod ang biktima.

Dinala naman ito sa Agusan del Norte Provincial Hospital subalit nalagutan rin ito ng hininga habang ginagamot.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya para alamin ang tunay na motibo at responsable sa krimen. Mary Anne Sapico