SM tenants, ibinahagi ang mga payo ni Tatang para mapalago ang negosyo

SM tenants, ibinahagi ang mga payo ni Tatang para mapalago ang negosyo

November 23, 2022 @ 6:06 PM 3 days ago


Ideal Vision, Great Image, Toby’s Sports, Papemelroti at Sportshouse– Ilan lang ‘yan sa mga naglalakihang brand na makikita sa mga mall sa buong Pilipinas. Noong sila’y nagsisimula pa lang, nakipagsapalaran sila bilang mga tenants sa kabubukas pa lang na SM City North Edsa noong 1985.

Tulad ng ibang micro, small and medium-scale enterprises (MSMEs), ginusto ng mga ito na maging kilala sa retail industry. Kaya nang mabigyan sila ng break ng yumaong SM Group founder na si Henry Sy Sr., o mas kilala bilang Tatang, hindi na nila ito pinalagpas. Sa tulong ng kaniyang mga payo at kaalaman sa negosyo, naging kilala ang mga brands na ito sa larangan ng retailing.

Ani Robert Palomo ng Great Image, “Sabi niya sa akin na dapat akong makipag-ugnayan sa mga customers, na alam ko ang mga gusto nila. Na sa retailing, higit na mahalaga ang emotional experience ng isang customer kaysa sa produkto.”

Napahanga naman si Marcelino Chua ng Sportshouse sa sinabi ni Tatang nang tanungin niya kung bakit siya nagbukas ng mall sa kabila ng kaguluhan sa pulitika at ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Chua, sinabi ni Tatang: “I don’t go where the market is, I create the market.”

Para naman sa mga may-ari ng Ideal Vision, ang paborito nilang payo mula kay Tatang ay “maging matiyaga, magpasensya.”

“Laging nyang paalala sa amin na madali lamang magpalago ng negosyo, pero iba pa pagdating sa pagpapapalago nito. Sabi niya, ituring namin na pamilya ang aming mga empleyado, sa paraang gusto naming ituring din ng aming mga empleyado ang aming mga customers, sabi ni Jessica Dee, PR manager ng Ideal Vision.

Meron na ngayong 80 branches ang Ideal Vision sa lahat ng SM.

Para naman kina Bobby at Jojo Claudio ng Toby’s Sports, isang innovative fitness at sports lifestyle brand, na-encourage sila ni Tatang na magpatuloy sa pagne-negosyo.

“Tiniyak sa amin ni Mr. Sy na magiging maunlad ang SM City North Edsa kaya pumayag kaming maging isa sa mga pioneer tenants nito. At hindi niya kami binigo”, ani Bobby. “Ngayon nga ay mayroon na kaming 65 branches at 41 sa mga ito ay nasa SM.”

Ibinahagi naman ni Enrico Dee, founder at CEO ng Foodee Global Concepts, na ang palaging payo ni Tatang sa kaniya ay “mag-focus” sa kanyang food business bagama’t siya ay lumaki sa isang pamilya na may construction business.

“Sabi niya, stay focused,” ani ni Dee na may higit 200 food outlet na sa ngayon kung saan 85 porsiyento ay nasa SM Malls. Kasama sa kanyang mga business ang Tim HoWan, Tusta, Kam’s Roast, Hawker Chan pati na rin ang higit sa 280 Sunnies retail stores.

“We will always be thankful sa SM kasi binigyan nila kami ng biggest break, sabi ni Dee.

 

Pinili naman ng Alejandro family ng Papemelroti na magtayo ng branch sa loob ng SM City North Edsa sa halip na mangibang bansa. Aniya, dahil maalaga ang SM, naging maunlad ang Papemelroti– dahilan para magbukas pa sila ng mas maraming branches sa SM.

Laking pasalamat ni Patricia Paterno ng Papemelroti sa lahat ng mga tulong ng SM Group para magpagpatuloy sa negosyo, lalo na noong pandemiya na pansamantala nilang sinuspinde ang aming mga renta.

Para naman kay Ricky Reyes na isa sa mga pinakamalaking pangalan sa industriya ng pagpapaganda, ang pinakamagandang payo na nakuha niya kay Mr. Sy ay ang palaging “maging iba.”

“Sabi ni Tatang dapat maging unique. Dapat iba ako sa lahat,” sabi ni Reyes na itinuring na pangalawang ama si Mr. Sy.

Hindi nakapagtataka na ilarawan bilang isang visionary ni Araneta Group chairman Jorge L. Araneta ang yumaong Henry Sy Sr. Aniya, inimbitahan pa ni Tatang ang Pizza Hut na pagmamay-ari ng Araneta Group na makiisa sa industriya dahil confident ito sa takbo ng mall business sa bansa. “He is a tough but honest negotiator, a man of his word. Kaya naman nagtiwala kami sa kanya noong nangako siya ng magagandang puwesto sa SM malls para sa Pizza Hut,” dadag ni Araneta.

Sadyang pinatunayan ng SM City North Edsa tama ang naging desisyon ng pamunuan nito noong 1985. At, kasama ng mga MSME na nagtiwala kay Tatang at sa kaniyang mga payo, ay patuloy na lumalago ang SM Group bilang isa sa mga pinakamalaking pangalan pagdating sa mall at retail industry. RNT