Smart, pinagmumulta sa panunulak kay Embiid

Smart, pinagmumulta sa panunulak kay Embiid

March 22, 2019 @ 9:31 AM 3 years ago


United States – Pinagmumulta ng NBA si Boston Celtics guard Marcus Smart ng $50,000 dahil sa panunulak nito kay Philadelphia 76ers center Joel Embiid sa laban nitong Miyerkules.

Ayon sa anunsiyo ng NBA nitong Huwebes, ang halaga ng multa ni Smart ay base sa paulit-ulit niyang pagpapakita ng “unsportsmanlike conduct during NBA games.”

Magugunita na una nang pinagmulta si Smart ng $35,000 ngayong season dahil sa pakikipagtalo niya kay DeAndre’ Bembry ng Atlanta Hawks. Sa limang taon din ng karera ni Smart, mayroon na siyang naipong kabuuang $170,000 multa, ayon sa MassLive.com.

Nag-ugat ang pinakabagong multa ni Smart matapos niyang itulak si Embiid sa likuran dahilan para pasubsob sa lapag ang 76ers center.

Pinituhan si Smart, 25-anyos, ng Flagrant 2 foul at sinipa rin sa laban dahil sa insidenteng naganap sa natitirang 11:06 minuto ng ikatlong kwarter.

Sa 71 games (51 starts) ngayong season, si Smart ay may average na 8.7 points, 2.9 rebounds at 4.1 assists. /Remate News Team