Smartmatic, hindi babayaran ng Comelec hangga’t di nareresolba ang data leak issue

Smartmatic, hindi babayaran ng Comelec hangga’t di nareresolba ang data leak issue

April 19, 2022 @ 7:05 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hindi ibibigay ng Commission on Elections (Comelec) ang P90-milyong bayad nito sa Smartmatic, ang technology provider ng poll body sa May 9 elections, hanggang sa mapatunayan ng kompanya na inosente ito sa isyu ng data breach.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms, sinabi ni Comelec Chairman Saidamen Pangarungan na sakaling mapatunayan na lumabag ang Smartmatic ay maaari nilang putulin ang kontrata nito at ipa-blacklist.

Gayundin ang pagpapawalang-bisa sa performance security nito alinsunod sa Data Privacy Act at Civil Code of the Philippines, at pagsasampa ng mga kasong criminal.

“So far, we have not put in any of these except to withhold payment to Smartmatic. I have not signed the voucher for the payment to Smartmatic in amount of P90 million pursuant to our contract because we want to clear this matter about this leakage… of some data,” ani Pangarungan.

Aniya pa, ang P90 million ay bahagi sana ng ikatlong tranche ng bayad ng Comelec sa Smartmatic noon pa sanang Marso.

“Once we are convinced that Smartmatic is innocent about this leakage of the data,” sagot ni Pangarungan nang tanungin ni Senator Imee Marcos, ang chairperson ng electoral reforms committee, kung kailan ilalabas ang nasabing halaga.

Dagdag niya, rekomendasyon ng Comelec Law Department na hintayin muna ang opisyal na ulat ng National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon nito upang mapag-aralan ng poll body ang lawak ng umano’y data breach at makapagsagawa ng nararapat na aksyon hinggil sa usapin.

Iginagalang naman ni dating Comelec commissioner at ngayo’y legal counsel ng Smartmatic na si Christian Robert Lim ang pagharang ng poll body sa bayad at sinabing tuloy ang pakikipagtulungann nila sa Comelec.

Samantala, tiniyak din ni Pangarungan na hindi magdudulot ng anumang delay sa May 9 elections ang nasabing usapin. RNT/ JCM