SMB bigman June Mar Fajardo may malalang throat injury

SMB bigman June Mar Fajardo may malalang throat injury

October 12, 2022 @ 1:33 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hinihintay ng San Miguel Beermen ang medical report kaugnay sa lawak ng throat injury na natamo ng kanilang franchise center na si June Mar Fajardo noong Linggo sa laban kontra Rain or Shine Elasto Painters, ayon sa source.

Si Fajardo ay nasiko sa lalamunan ni Rain or Shine center Steve Taylor Jr. ngunit nagawa niyang tapusin ang laro at maipanalo ang laban sa iskor na 113-105 SMB matapos umiskor ng 21 points.

Pagkatapos na laro, dinala sa ospital ang higanteng sentro ng biglang mamaos ang kanyang boses.

Lumilitaw na malubha ang naging injury ni Fajardo at posibleng hindi ito makalaro sa koponan hanggang hinihintay ang rekomendasyon ng doktor.

“Ang koponan ay naghihintay para sa rekomendasyon ng doktor,” ayon sa source.
“”Natamaan ng husto ang Adam’s apple niya. Parang modulated ang boses niya. Noong una, sinabi ng doktor na kailangan niyang magpahinga at maaaring hindi makasali ng ilang mga laro,”
ayon sa source.

Dagdag pa ng source, nagrereklamo si Fajardo na nahihirapan siyang huminga.

“The team is hoping he won’t be out long. Sana walang swelling and nothing got mis-aligned,” wika pa ng source.

Sa unang dalawang laro ng Beermen sa Commissioner’s Cup, nag-average si Fajardo ng 22.0 points at 12.0 rebounds at nag-shoot ng 63.3% mula sa field.

Tinanghal siyang Best Player of the Conference at Finals MVP ng katatapos lang na Philippine Cup, na napanalunan ng Beermen sa anim na laro laban sa TNT Tropang Giga.RICO NAVARRO