Snatcher arestado nang sumpungin ng ‘arthritis’ sa Malabon

Snatcher arestado nang sumpungin ng ‘arthritis’ sa Malabon

April 9, 2022 @ 10:07 AM 3 months ago


MANILA, Philippines- Binitbit sa selda ang isang 44-anyos na snatcher matapos makorner ng humahabol na bystander nang sumpungin umano ng ‘arthritis’ makaraang biktimahin ang isang call center agent sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong suspek na si Alfredo Medina, 44, walang trabaho ng Gonzales St., Brgy., 69, Caloocan City na nahaharap sa kasong Robbery Snatching at paglabag sa BP6 in relation to Omnibus Election Code.

Lumabas sa imbestigasyon nina Michael Oben at PSSg Jeric Tindugan, habang pauwi na ang biktimang si Julienne Padilla, 18 ng Bagumbayan South, Navotas City sakay ng pampasaherong jeep sa kahabaan ng C4 Road dakong alas-2:30 ng hapon.

Pagsapit sa kanto ng Dagat-dagatan Avenue, Brgy., Longos nang bigla na lamang sumulpot ang suspek at hinablot ang gintong kuwentas ng biktima bago kumaripas ng takbo para tumakas.

Bumaba ang biktima at nagsisigaw na humingi ng tulong na nakatawag ng pansin sa mga bystander sa lugar at tumulong para habulin ang snatcher hanggang sa makorner makaraang manakit umano ang tuhod bago tinurnover sa mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 na nagpapatrolya sa naturang lugar.

Nang kapkapan, narekober ni PCpl Mark Edwin Estillore sa suspek ang 18k gold necklace ng biktima at isang patalim (balisong). Boysan Buenaventura