Snatcher na ex-cop, timbog; baril at granada nakumpiska

Snatcher na ex-cop, timbog; baril at granada nakumpiska

September 15, 2022 @ 4:48 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nadakip ang isang dating pulis matapos na manghablot ng cellphone sa Quezon City, Martes ng gabi, Setyembre 13.

Sa naantalang ulat na natanggap ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Nicolas Torre III, kay La Loma Police Station (PS 1) commander PLTCOL Garman Manabat, nakilala ang dating pulis na si Jeffrey Calip, 49 anyos, residente ng Brgy. 511, Sampaloc, Manila.

Sa imbestigasyon, dakong 8:30 ng gabi ng Setyembre 13, 2022, gumagamit ng cellphone ang biktimang si Maria Elena Tichangco sa harapan ng No. 329 Mayon St., Brgy. Salvacion, nang bigla na lang dumating ang suspek na lulan ng motorsiklo at hinablot ang cellphone ng biktima bago tumakas.

Pasado 6:00 ng gabi ng Setyembre 14, nang magtungo ang biktima sa himpilan ng pulisya at nireport ang pangyayari sanhi upang magsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng PS 1 na nagresulta sa pagkaaresto ng suspek dakong 7:30 ng gabi sa Kundiman St., Brgy. 511, Sampaloc, Manila.

Positibo namang kinilala ng biktima si Calip na siyang humablot ng kanyang gadget.

Narekober mula sa suspek ang isang caliber .38 revolver na loaded ng anim na bala, isang hand grenade, at isang Aerox motorcycle. Jan Sinocruz