Snatcher sa Jones bridge, umatake na naman, broadcaster nabiktima

Snatcher sa Jones bridge, umatake na naman, broadcaster nabiktima

November 23, 2022 @ 6:42 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Muli na namang naglipana ang mga kawatan sa Maynila makaraang mabiktima ng cellphone snatching ang isang babaeng broadcaster sa Jones Bridge sa Binondo, Maynila nitong Martes, Nobyembre 22.

Ininda ng broadcaster na si Gina Mape ng DWWW ang masakit niyang kamay matapos itong pilipitin ng snatcher habang hawak ang kanyang cellphone at pilit inaagaw.

Aniya, sakay siya ng pampasaherong jeep at nakaupo ito sa gawing driver’s passenger seat nang isang lalaki ang bigla na lamang dumikit at biglang hinawakan ang kanyang kamay.

Dahil sa insidente, agad na umaksyon ang mga tauhan ng Manila Police District at hinalughog ang paligid ng Jones Bridge kung saan naaresto ang dalawang menor de edad na sinasabing mga cellphone snatcher sa lugar.

Ayon kay Mape, hindi naman nagtagumpay ang snatcher na makuha sa kanya ang cellphone dahil mahigpit ang kanyang pagkakahawak nito bukod pa sa may isa pang pasahero na nagsilbing harang para maisakatuparan ng suspek ang kanyang pakay.

Ang mga suspek ay kasalukuyang hawak ng women’s desk habang pinag-aaralan ang kasong isasampa laban sa kanila.

Ayon kay Binondo police chief, PCol Rexson Layug, tuloy-tuloy ang kanilang
ginagawang pagsisikap para mabantayan ang seguridad ng publiko.

Katunayan ang mga naka set-up na police assistance desk sa lugar na naging susi sa mablis na pagkakahuli sa mga suspek.

Matatandaan na panahon ni dating Manila Mayor Isko Moreno nang pagandahin ang Jones Bridge sa Maynila.

Tiniyak naman ni MPD P/Brig.Gen.Andre Dizon na patuloy ang police visibility sa lungsod upang ang mga kawatan na nais bumalik sa kanilang dating gawain ay hindi na muling makapangbiktima. Jocelyn Tabangcura-Domenden