Sobra-SOBRA YATA?

Sobra-SOBRA YATA?

January 20, 2023 @ 1:19 AM 2 weeks ago


NASA Davos, Switzerland si Pangulong BongBong Marcos, Jr., para sa World Economic Forum ngayong Jan. 16-20, 2023. Ito ang taunang pulong ng mga gobyerno at mga malalaking kompanya para pag-usapan at magmungkahi ng mga solusyon sa mga pandaigdigang problema.

Ngayong 2023, tututukan ng pagpupulong ang mga isyu ng climate change, masamang epekto sa ekonomiya ng giyera sa Ukraine at teknolohiya ng artificial intelligence.

Kapansin-pansin ang hindi pagdalo ng maraming lider at nagpadala lang sila ng mga kinatawan. Sa G7 na grupo ng mga bansa, ang chancellor lang ng Germany ang dadalo. Hindi rin dumating ang mga presidente o prime minister ng South Africa, China, Japan at South Korea.

Pero hindi nagpahuli ang Pilipinas at si PBBM. Ang kakaiba pa nga, ayon sa mga balita, ay napakalaki ng delegasyon ng Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa. Mahigit umano sa 70 ang mga Pilipinong kasama ni PBBM, kabilang ang ilang miyembro ng kabinete at congressmen.

Ang tanong, bakit napakarami? Kailangan ba talaga silang lahat doon? Sino ang magbabayad sa mga gastusin nila? ‘Yong ibang mayayamang negosyate na kasama, sariling gastos kaya nila ang pagbiyahe?

Mahalaga raw ang pagdalo ni PBBM sa WEF, dahil hihikayatin n’ya ang mga mamumuhunan na pumunta at makibahagi sa pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas. Meron din daw “soft-launching” ng Maharlika Investment Fund para ipaliwanag ito.

Sa akin lang naman, parang sobrang dami yata ng delegasyon na kasama ni PBBM, kumpara sa ibang bansa na wala pang sampu ang kinatawan.

Hindi kasi biro ang halaga ng hotel, pagkain at pamasahe para dumalo sa WEF. At saka hindi pa nga naipapasa ang batas tungkol sa MIF kaya mukhang hindi pa tamang panahon na ilunsad na ito.

Panghuli, kung investors ang gustong imbitahan at hikayatin ng gobyerno, mas maigi yata na ayusin na muna ang mga kakulangan ng transportasyon, mahal na kuryente’t mga bilihin at isyu ng katiwalian sa loob ng bansa. ‘Yan ang kukumbinsi sa negosyante na pumunta sa Pilipinas.

Sobra yata ang gastos natin para makapunta sa Switzerland ang 70 Pilipino delegado na walang kasiguruhan kung meron ngang ganansya tayong makukuha.

Sa panahon na mahal ang sibuyas at iba pang pagkain, parang hindi yata tama.