SOCE ni VP Robredo naisumite na sa Comelec

SOCE ni VP Robredo naisumite na sa Comelec

June 7, 2022 @ 1:40 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakapaghain na rin ng kanyang Statement of Contributions and Expenditures o SOCE ngayong araw si outgoing Vice President Leni Robredo na tumakbo sa pagka-presidente, ayon sa pinakahuling listahan ng  Comelec Campaign Finance Office.

Inihain ang SOCE ni Robredo sa pamamagitan ng  kanyang mga staff  kung saan dinala nila ang nasa tatlong kahon ng mga dokumento.

Nauna nang naghain ng SOCE ang iba pang presidential candidates na sina Sen. Panfilo Lacson noong Hunyo 4; at Jose Montemayor noong Hunyo 6.

Inaabangan naman kung maghahain na rin ba ng SOCE ngayong araw o bukas si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Pagdating sa vice presidential candidates, si Doc Willie Ong ang unang naghain ng kanyang SOCE, mula sa 9 na kandidato.

Ayon sa Comelec, bukas o sa Hunyo 8 ang huling araw para makapagsumite ng SOCE ang mga kandidato sa national and local elections.

Kahapon, sinabi ng Comelec na higit 40 na mga kandidato, mga grupo at partido na lumahok sa Eleksyon 2022 ang nakagpaghain na ng SOCE.

Nauna nang ipinaalala ng poll body na ang paghahain ng SOCE ay para sa lahat ng sumabak sa halalan, nanalo man o hindi. Jocelyn Tabangcura-Domenden