Social housing, barangay-covered court, pinagagawang solar para matipid

Social housing, barangay-covered court, pinagagawang solar para matipid

October 19, 2022 @ 6:30 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Hiniling ni Senador Risa Hontiveros sa pamahalaan na maglagay ng solar-powered system sa social housing sector, barangay covered court at iba pang pampublikong gusali.

Sa pahayag, sinabi ni Hontiveros na kailangan nang pabilisin ng pamahalaan ang transisyon tungo sa renewable energy sa gitan nang tumataas na halaga ng langis.

“The housing backlog is more than 6 million. Imagine if the current and new housing units to be built are installed with solar? Imagine our barangay covered courts powered by renewable energy. This is the kind of paradigm shift we need in the energy sector,” giit ni Hontiveros.

Sa ilalim ng panukalang Senate Bill No. 378, maaaring makakuha ng financing ang benepisaryo ng social housing program ng pamahalaan para sa solar home system bilang bahagi ng housing loans na babayaran hanggang 25 -30 taon.

“Sa ngayon kasi ang may kapasidad lamang na magkaroon ng solar panels sa kanilang bubungan ay ang mga may kaya. Naiiwan ang mahihirap, gayong sila ang kulang sa pambayad at pagkukunan ng kuryente, lalo na sa mga relocation areas na pinagdadalhan sa kanila,” ayon kay Hontiveros.

Bilang halimbawa, tinukoy ni Hontiveros ang inisyatiba na isinagawa ng Romblon Electric Cooperative (ROMECO) sa paggamit ng renewable energy bilang pangunahing pagkukunan sa kanilang energy mix.

“Halos 40% ng energy mix ng Romelco ay mula sa mini-hydro, wind, and solar energy. Sa katunayan, meron silang 200kW rooftop solar na naka-install sa apat na rented barangay covered basketball courts sa Romblon,” ayon kay Hontiveros.

“If Romelco can produce 200kW of solar power from 4 barangay covered courts, then we can produce millions more of kilowatt capacity assuming we solarize all the covered courts,” giit pa ni Hontiveros.

Ayon sa mambabatas, base sa media report nitong 2019, umaabot sa 23, 931 ang covered courts na nakakalat sa buong bansa.

“Making Romelco a model, solarizing these covered courts can generate 1,245MW or 1.2GW of solar power. At mayroon pa tayong more than 60,000 na schools and thousands more of public buildings, including public markets and sabungans that can also be solarized,” paliwanag ni Hontiveros.

Palaging hinihiling ni Hontiveros sa pambansa at local na pamahalaan kabilang sa electric cooperatives na pondohan ang pagpapaunlad ng renewables bilang estratehikong solusyon sa lumalalang kakapusan ng enerhiya,

“Nagagawa na nila ito sa Romblon, walang dahilan para hindi ito magawa ng lahat. Ang kailangan lang ay magtulungan at magkasundo sa parehong layunin ang ibat-ibang sangay ng pamahalaan, private sector, at higit sa lahat ang ating mga komunidad para na rin sa ikalulutas ng ating mga problema sa enerhiya,” ayon kay Hontiveros. Ernie Reyes