Social media chats, relasyon ng guro sa estudyante, bawal – DepEd

Social media chats, relasyon ng guro sa estudyante, bawal – DepEd

November 4, 2022 @ 2:35 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Naglabas ng panuntunan ang Department of Education (DepEd) patungkol sa kanilang mga polisiya na mas magpapaigting pa ng professionalism ng mga guro sa pagbibigay ng maayos na edukasyon sa mga bata.

Kabilang dito ang pagbabawal sa mga relasyon at pakikipag-usap sa social media sa mga estudyante kung labas na ito ng usapin tungkol sa eskwelahan.

Inilabas ang Department Order 49 series of 2022 na may petsang Nobyembre 2 upang amyendahan ang DepEd Order No. 47 at nagbigay ng bagong bahagi na naglalatag ng mga kautusan ayon sa Republic Act No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Ito ay ang pakikitungo ng maayos sa mga kasamahan sa eskwelahan, mga mag-aaral at iba pang stakeholders ng may pinakamataas na antas ng professionalism, skill at excellence.

Dapat din umanong igalang ng mga guro ang karapatan ng iba at iwasan ang paggawa ng mga aksyon na labag sa batas, good morals at customs, mga polisiya at kautusan.

Ipinatitiyak rin na gagawin ng mga guro ang kanilang mga responsibilidad ng may paggalang at pagiging patas.

Pagdidiin, ipinagbabawal din ang pagkakaroon ng aktibidad o relasyon na maaaring makaapekto sa tungkulin nito bilang isang guro.

Pinaiiwasan din ng DepEd sa mga guro ang pagkakaroon ng relasyon o usapan ng mga ito sa kanilang mga estudyante, pisikal man o sa pamamagitan ng social media kung ito ay labas na sa usaping pampaaralan, maliban na lamang kung sila ay kamag-anak.

Kabilang din dito ang pag-iwas sa mga gawaing maaaring makapagkompromiso sa integridad ng DepEd at bilang isang empleyado ng pamahalaan.

Samantala, kaiba sa DepEd Order 47, ang mga polisiya na may kaugnayan lamang sa pakikipag-ugnayan sa mga politiko ang nabanggit na ipinagbabawal.

Nagpaalala naman sa mga empleyado ang Education Department na iwasan ang pagpopost, pagsi-share ng mga contents lalo na ang pakikibahagi sa mga maling impormasyon. RNT/JGC