Socmed, instrumento ng crypto-syndicates para mang-akit ng mga Pinoy – BI

Socmed, instrumento ng crypto-syndicates para mang-akit ng mga Pinoy – BI

February 27, 2023 @ 11:06 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hinihikayat ng cryptocurrency scam syndicates ang mga Pilipino sa human trafficking schemes sa pamamagitan ng social media applications gaya ng Facebook, TikTok at Telegram, sabi ng Bureau of Immigration (BI) nitong Linggo.

“The trafficking landscape is very different now. Professionals are being lured into seemingly good-paying opportunities, only to end up being trafficked in this crypto scam,” pahayag ni BI Commissioner Norman Tansingco.

Napag-alaman ng BI ang scam matapos mapauwi ang walong Pilipino ang naakit na magtrabaho para sa crypto-syndicates sa Cambodia noong Feb. 26.

Base sa BI, anim na kalalakihan at dalawang babae ang napauwi sa Pilipinas nitong Linggo mula Phnom Penh, Cambodia sa tulong ng Department of Foreign Affairs, Overseas Workers Welfare Administration, Department of Migrant Workers, at Office of Senator Risa Hontiveros.

Inilahad ng mga biktima sa BI na ni-recruit sila sa pamamagitan ng bogus advertisements sa Facebook, TikTok, at Telegram.

Pinangakuan sila ng sweldo na aabot ng $1000 kada buwan. Pagdating nila roon, sapilitan silang pinagtrabaho nang 16 hanggang 18 oras kada araw na walang day off.

Ginagamit umano ang modus na ito para hikayatin ang mga Pilipino sa mga bansa gaya ng Cambodia at Myanmar, kung saan pinipilit silang maging scam foreigners sa United States at Canada.

Mayroon ding mga ulat na tino-torture ang mga biktima.

Sa walong napauwing biktima, tatlo ang umalis sa Pilipinas mula Clark International Airport, kung saan na-clear sila para bumiyahe ng isang immigration officer na iniimbestigahan sa pagkakasangkot sa trafficking scheme.

Dalawang biktima naman ang nagpanggap na mga turista at lumabas sa bansa mula sa Ninoy Aquino International Airport.

Ipinuslit naman ang tatlo pa mula Zamboanga nang hindi dumaraan sa anumang formal ports. Pitong araw silang bumiyahe, kung saan dumaan sila sa Jolo sa Sulu, sa Brunei, Jakarta, at Thailand bago makatuntong sa Cambodia. RNT/SA