Solante: Mga indibidwal na may comorbidity turukan din ng 2nd booster

Solante: Mga indibidwal na may comorbidity turukan din ng 2nd booster

June 1, 2022 @ 4:00 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng infectious disease expert nitong Miyerkules na umaasa siyang ang mga indibidwal na may comorbidities ay papayagan na mabakunahan ng ikalawang booster shot laban sa COVID-19.

Inilahad ni Dr. Rontgene Solante na naniniwala siyang dapat palawigin ang saklaw ng bosster shot, lalo na at maraming suplay ng bakuna ang bansa.

Tanging immunocompromised individuals, frontline healthcare workers, at senior citizens pa lamang ang pwedeng turukan ng ikalawang booster shots sa kasalukuyan.

“Titignan natin sana, ma-include na rin ang population na with comorbidities,” aniya sa Laging Handa briefing.

“Dahil doon sa mga data nakikita natin na kapag meron kang comorbidity and you will get the COVID infection, ‘yung risk ng severe infection and even mortality is also high in this vulnerable population na merong mga comorbidity,” dagdag pa niya.

Nauna na ring isinulong ng Philippine College of Chest Physician ang panukalang turukan ng  ikalawang booster shots ang persons with comorbidities.

Samantala, iginiit naman ni Dr. Edsel Salvaña ng DOH Technical Advisory Group na hindi pa kailangang bakunahan ng ikalawang booster shot ang non-immunocompromised individuals. RNT/SA